ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 27, 2022
Nabuking na habang abala ang lahat sa bilangan ng boto sa pagka-presidente at bise presidente, naglabas ng utos si Agriculture Secretary William Dar para sa panibagong importasyon ng isda.
Pirmado ni Dar ang Administrative Order 10-2022 para sa importasyon ng 38,695 metriko-toneladang small pelagic fish na tulad ng galunggong, sardinas at mackerel, dahil nga daw sa kapos ang supply natin at mataas ang presyo nito sa mga palengke.
Hello, Secretary Dar! 'Yung mismong taga-National Fisheries and Aquatic Resources Management Council o NFARMC eh nagsabing hindi n'yo kinonsulta sa planong importasyon at hindi rin daw n'yo 'yan napag-usapan sa second-quarter meeting noong April 29!
Plis DA, sumunod tayo sa Section 61-c ng Fisheries Code kung saan obligado kayong komunsulta sa NFARMC sa mga desisyong nakakaapekto sa mga stakeholder sa industriya ng pangingisda, partikular d'yan sa maitim n'yong balak na importasyon ng isda!
Bilang chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, I tell you, kung industriya ng commercial fishing at aquaculture ang pag-uusapan, walang kakapusan sa lokal na supply ng isda at ang anumang pagtaas sa presyo nito ay dahil sa tumataas na presyo ng langis!
Saka, juiceko no! tapos na ang closed fishing season at kababalik lang sa kanilang kabuhayan ng mga lokal na mga mangingisda, eh bakit pa kayo nag-iisyu ng mga CNI (certificate of necessity to import), aber?
Tigilan n'yo ang imbentong kapos tayo sa supply ng isda, panis na ang katwirang 'yan, nagamit n'yo na sa unang bahagi ng taon noong huli kayong mag-angkat ng isda! Ano bah!
IMEEsolusyon bago ilabas ang ganyang mga utos na importasyon, plis komunsulta kayo sa mga apektadong sektor! Siguruhing karapat-dapat ang katwiran at basehan n'yo sa pag-aangkat ng mga isda, bago talaga payagan! Plis, itigil na ang midnight deal na 'yan, puwede?!
IMEEsolusyon na bago ang importasyon, iprayoridad ang mga lokal na isda! Remember, tag-hirap ngayon ang buong mundo at mas naghihirap tayong nasa Asya, tulungan naman natin ang mga lokal nating mangingisda, 'wag natin silang ietsapuwera.
Plis gawing huling opsyon ang mga imported na isda at iba pang produkto!
Comments