ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov. 21, 2024
SA RATING NI SPEAKER ROMUALDEZ, NAGBU-BOOMERANG ANG ATAKE NG QUADCOMM KAY VP SARA -- Ang laki ng lamang ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kay Speaker Martin Romualdez sa rating na inilabas ng WR Numero Research Firm patungkol sa 2028 presidential election.
Ang rating ni VP Sara ay 24% at ang rating naman ni Speaker Romualdez ay 1% lang.
Tila hindi kay VP Sara tumatama ang mga imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara, kasi kung pagbabasehan ang 1% lang na rating ni Speaker Romualdez ay lumalabas na sa kanya nagbu-boomerang ang mga atake ng QuadComm members sa bise presidente, boom!
XXX
SANA MAG-AMBAGAN DIN ANG QUADCOMM MEMBERS SA PAGBIBIGAY NG TULONG SA MGA BINAGYO AT BINAHA -- Pinag-ambag-ambagan pala ng mga kongresistang miyembro ng QuadComm ang P1 million na pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng isang “Mary Grace Piattos” na kabilang daw sa nakatanggap ng reward mula sa confidential fund ni VP Sara.
Kung nagawa ng mga QuadComm member na mag-ambagan para sa pagkakakilanlan ng isang “Mary Grace Piattos,” sana naman mag-ambagan din sila sa pagbibigay ng tulong sa mga kababayang nabiktima ng bagyo at baha, period!
XXX
NEXT YEAR PA NAMAN GAGAMITIN ANG 2025 PAMBANSANG BADYET PERO MALACANANG ATAT NA ATAT NA SA P6.352T NATIONAL BUDGET -- Habang binubusisi ng mga senador ang mga tanggapan ng pamahalaan na magpaparte-parte sa pambansang badyet next year na P6.352 trillion, ay inatasan ng Malacanang ang Senado na madaliin ang pagsasabatas ng 2025 national budget.
Pambihira naman, eh next year pa naman gagastahin ang pambansang badyet na iyan, tapos napaghahalata ang Malacanang na atat na atat, gusto na agad “mapasakamay” ang P6.352 trillion national budget na iyan, tsk!
XXX
KAKAHIYA KASI SA MGA BANSA SA MUNDO, ‘PINAS PASOK SA TOP 5 PALAUTANG SA IBRD -- Sa data na inilabas ng World Bank, sa mga bansa sa mundo, pasok ang Pilipinas sa top 5 borrowers sa International Bank for Reconstruction and Development (IBRD).
Kakahiya, kasi mantakin n’yo, pasok ang Pinas sa top 5 na mga bansang palautang sa IBRD.
Hangga’t hindi natututo ang majority Pinoy voters sa tamang pagboto sa magiging lider ng bansa, ay baka dumating ang panahon na ang ‘Pinas na ang mag-top sa mundo na palautang na bansa, boom!