top of page
Search
BULGAR

‘Pinas, Top 2 sa online sexual abuse ng mga bata sa buong mundo, dapat aksyunan

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 23, 2023


Mariin nating pinananawagan ang mas mataas na pondo pagdating sa iba’t ibang anyo ng human trafficking, kabilang na ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children o OSAEC.


Iminumungkahi ng inyong lingkod na dagdagan ng P70.74 milyon ang P76.28 milyong nakalaan sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa Anti-Trafficking in Persons (ATIP) enforcement. Isinusulong din natin ang paglalaan ng P39.42 milyon mula sa pondong ito para sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) Secretariat at P31.32 milyon para sa National Coordination Center (NCC) Against OSAEC and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Secretariat.


Base sa ulat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Pilipinas ang pangalawa pagdating sa online sexual abuse and exploitation of children. Sa datos naman ng Scale of Harm Survey ng International Justice Mission (IJM) at University of Nottingham Rights Lab, mayroong 471,416 na batang Pilipino ang naging biktima ng human trafficking para sa paglikha ng bagong child sexual exploitation materials noong 2022.


Bukod dito ay nasaksihan din ng bansa ang pag-akyat ng bilang ng mga insidente ng human trafficking dahil sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Noong nakaraang Oktubre 27, nailigtas ng mga awtoridad ang higit 700 mga Pilipino at dayuhang manggagawa sa isang ni-raid na POGO hub sa Pasay, kung saan karamihan sa mga ito ay biktima ng human trafficking.


Mahalagang matiyak ng pamahalaan ang epektibong pagpapatupad ng mga batas para mahuli ang mga child traffickers, kabilang dito ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862) at ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act (Republic Act No. 11930).


Hindi natin maaaring hayaang magpatuloy lang ang operasyon ng mga sindikatong kriminal sa bansa. Tungkulin nating ipatupad ang mga batas upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan at mga kabataan mula sa iba’t ibang anyo ng trafficking. Tungkulin nating tulungan ang mga biktima na makabangon muli at magkaroon ng pag-asa.


Ang ating panukalang karagdagang pondo ay makatutulong para maipagpatuloy ng mga awtoridad ang kanilang tungkulin na mahuli ang mga kawatan, mailigtas ang mga biktima ng human trafficking, at imbestigahan at sugpuin ang mga kaso ng online sexual abuse sa bansa.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page