top of page
Search
BULGAR

‘Pinas, top 2 sa kaso ng online child sexual abuse sa buong mundo

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 03, 2023

Hindi natin maitanggi ang pagkadismaya dahil pangalawa ang Pilipinas sa may pinakamaraming kaso ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) sa buong mundo, ayon sa isang ulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) noong nakaraang pagdinig sa Senado hinggil sa panukalang pondo ng DICT at mga attached agencies nito para sa 2024.


Sa naturang pagdinig, inamin ni DICT Secretary Ivan John Uy na kulang pa ang kakayahan ng gobyerno upang mahuli ang mga sangkot sa ganitong uri ng krimen. Kaya kailangan ng matinding pagsisikap na mawala sa pagiging number two sa buong mundo ang ating bansa pagdating sa OSAEC, hanggang sa tuluyang mawala na tayo sa listahan.


Tinataya ng Scale of Harm Survey ng International Justice Mission (IJM) at ng University of Nottingham Rights Lab na may 471,416 na mga batang Pilipino ang naging biktima ng trafficking para sa produksyon ng child sexual exploitation materials noong 2022.


Isa pang mahalagang aspeto ay ang bilateral relationship ng Pilipinas sa ibang bansa upang masugpo ang OSAEC. Isang halimbawa nito ang insidente kung saan nakatulong ang isang tip mula sa ibang bansa sa pagkakatuklas ng isang insidente ng OSAEC sa Metro Manila.


Maliban sa hardware at ilang gamit na kailangan natin, may mga bagay na dapat tayong gawin nang mabilis upang mapaigting ang ugnayan, komunikasyon, at pagbabahagi ng impormasyon.


Mayroon nang bilateral partnerships ang DICT sa mga counterpart agencies nito sa ibang bansa.


Nakikipag-ugnayan naman ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa Unibersidad ng Pilipinas upang isalin ang mga materyales na magsusulong sa kaalaman tungkol sa OSAEC, lalo na sa mga geographically isolated and disadvantaged areas. May koordinasyon na rin ang ahensya sa mga telecommunication companies upang harangin ang child sexual abuse and exploitation materials (CSAEM).


Aminado tayong malaking trabaho ito. Kaya naman hinihimok natin ang pamahalaan na paigtingin na ang pagsugpo sa krimeng ito. Isa ang inyong lingkod sa mga may akda ng dalawang batas upang paigtingin ang kakayahan ng gobyernong sugpuin ang OSAEC. Ito ay ang Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act (Republic Act No. 11930) at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862).


Mahalaga ang pagpapatatag natin sa mga batas kontra human trafficking. Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pang-aabuso sa ating mga kabataan, kailangan nating paigtingin ang pagbibigay ng proteksyon sa kanilang kapakanan.


Buhay ng ating mga mag-aaral ang pinakamahalaga sa lahat. Kung sila ay ligtas mula sa kapahamakan, mas mainam silang magkaroon ng dekalidad na edukasyon. Panatilihin natin ang kanilang seguridad sa lahat ng pagkakataon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page