top of page
Search
BULGAR

‘Pinas, top 1 sa paramihan ng casino at casino hotels sa Asya

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 8, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


‘PINAS NUMBER 1 SA ASYA SA PARAMIHAN NG CASINO AT CASINO HOTELS -- Base sa datos na inilabas ng Insider Monkey na nakabase sa New York, United States ay ang Pilipinas ang may pinakamaraming casino at casino hotels sa buong Asya. 


Tinalo pa ng ‘Pinas ang Macau, China sa paramihan ng casino at casino hotels, kasi may 76 na casino at 66 casino hotels sa bansa, samantalang sa Macau ay meron lang 47 casino at 59 casino hotels, tsk! 


XXX


SA RAMI NG ILLEGAL GAMBLING SA CALABARZON, NABANSAGAN ANG REHIYON BILANG ‘CAPITAL OF ILLEGAL GAMBLING’ IN THE PHILIPPINES -- Hindi lang mga legal na casino at casino hotels marami sa ‘Pinas, kundi maging mga illegal gambling napakarami, kaya nga sa imbestigasyon sa Kongreso noon ay napaamin ng mga kongresista ang mga police regional director na sa kanilang mga nasasakupan ay sandamakmak na mga ilegal na pasugalan.


At sa House hearing natuklasan na ang jurisdiction ni PNP-Region 4-A Director, Brig. Gen. Kenneth Lucas, ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ang may pinakamaraming illegal gambling kaya binansagan ang CALABARZON na ‘capital of illegal gambling’ sa ‘Pinas, period!


XXX


MASYADONG MALUWAG SA PASUGALAN ANG GOBYERNO KAYA POGO NAKAPASOK SA ‘PINAS, PATI SOCIAL MEDIA PINASOK NA RIN NG MGA GAMBLING LORDS -- Masyadong maluwag ang gobyerno sa mga legal at illegal na pasugalan.


At ang kaluwagan na iyan sa sugal ang dahilan kaya pinasok ng mga Chinese gambling lord ang ‘Pinas at naglagay dito ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), at pati ang social media sa bansa ay pinasok na rin ng mga gambling lord na nagpu-post ng online sabong at iba pang illegal online gambling na pinu-promote naman ng mga bayarang vloggers, tsk!


XXX


KUNG AYAW NI ISABELA PD COL. BAUDING KUMILOS, DAPAT SI PNP-REGION 2 DIRECTOR GEN. BIRUNG NA UMAKSYON LABAN SA ILLEGAL GAMBLING --Kung dati ay tatlong gambling lords lang na sina alyas "Guilao," "Zuma" at "Heherson" ang may raket na color games at drop balls sa Santiago City, Cauayan City, Cordon at Cabatuan, pawang sa Isabela, ngayon ay apat na sila kasi isang babaeng gambling lord na si alyas "Maribel" ang may ganitong raket na rin sa Alicia, Ramon at Roxas sa lalawigang ito.


Kung ayaw kumilos ni Isabela Provincial Director Col. Lee Allen Bauding laban sa mga pasugalang ito, dapat ay si PNP-Region 2 Director Brig. Gen. Christopher Birung na ang umaksyon para matigil na ang raket na ito ng mga gambling lord sa Isabela, period!



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page