ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 10, 2022
Tiniis ng Philippines Men’s Football Team na mabugbog nang 90 minuto bago maiuwi ang dumadagundong na 0-0 tabla sa defending champion at host Vietnam sa pagpapatuloy ng 31st Southeast Asian Games, Linggo nang gabi sa maulan na Viet Tri Stadium ng Phu Tho, Vietnam. Dahil sa resulta, nanatili ang Azkals sa liderato ng Grupo A sa ikalawang sunod na araw at bumuti ang pag-asa na mapabilang sa semifinals.
Nasa Vietnam ang bola sa 75% ng panahon kaya sunod-sunod ang kanilang bomba sa goal, subalit nagtrabaho nang husto ang depensa na nakaangkla kay goalkeeper Quincy Kammeraad na walang duda na Man of the Match. May dagdag din na swerte at lumihis ang mga sipa bunga ng hangin at basang palaruan.
Naglabas ng huling baraha si Coach Norman Fegidero at isa-isang ipinasok ang mga reserbang sina Yrick Gallantes, Lance Ocampo at Sandro Reyes kapalit sina Scott Woods, Dennis Chung at Jovin Bedic sa nalabing 15 minuto upang maka-goal, subalit nabitin ang Azkals. Matapos ang huling pito ng reperi ay nagdiwang ang Azkals habang nakatungo ang Vietnam sabay tahimik ng tinatayang 14,000 nilang kababayan.
Parehong umakyat sa apat na puntos ang Pilipinas at Vietnam, subalit lamang ang mga Pinoy dahil sa kanilang 4-0 panalo sa Timor Leste, habang 3-0 lang ang tagumpay ng Vietnam sa 2019 silver medalist Indonesia noong unang araw ng torneo noong Biyernes. Susunod para sa Azkals ang 2019 bronze medalist Myanmar ngayong Martes sa Viet Tri pa rin simula 5 p.m., oras sa Pilipinas.
Samantala, lalong naging mahigpit ang karera para sa semifinals ng 2022 Copa Paulino Alcantara matapos ang 1-1 tabla ng Stallion Laguna FC at Maharlika FC Manila noong Linggo nang gabi sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sa unang laro, winakasan ng United City FC ang apat na sunod-sunod na panalo ng Dynamic Herb Cebu FC at nagtapos din sa 1-1 tabla.
Comments