@Editorial | June 18, 2024
Kinondena ng pamunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagkakasama ng Pilipinas sa listahan ng Top 10 Worst Countries para sa mga manggagawa ng International Trade Union Confederation (ITUC).
Hindi umano ito makatwiran at ‘di nagpapakita ng aktuwal na sitwasyon sa bansa. Nakalulungkot umano at hindi katanggap-tanggap ang ibinigay na rating ng ITUC sa bansa.
Batay sa 2024 Global Rights Index nito, binigyan ng ITUC ang Pilipinas ng iskor na 5, na nangangahulugan na “No Guarantee of Rights”.
Inuuri ng ITUC ang mga bansa batay sa mga iskor na 1 (Sporadic Violations of Rights) hanggang 5+ (No Guarantee of Rights Due to the Breakdown of the Rule of Law).
Kasama ng ‘Pinas sa Top 10 Worst Countries para sa mga manggagawa ngayong 2024 ang Bangladesh, Belarus, Ecuador, Egypt, Eswatini, Guatemala, Myanmar, Tunisia at Turkiye.
Kasabay nito ang panawagan ng ITUC sa DOLE na aksyunan ito dahil kung hindi ay mananatili ang bansa bilang hindi magandang lugar para sa mga manggagawang Pilipino.
Magsilbi sanang hamon sa gobyerno ang ulat na ito para mas pagsikapan na maiangat ang kalagayan ng mga manggagawa sa bansa.
Kapag may mga problema sa paggawa, aksyunan agad. Kung may mga ‘di maiiwasang isyu, agad na resolbahin.
Sa huli, ang mismong mga manggagawa naman ang magsasabi kung ano ang tunay nilang kalagayan. Kung sila ba’y nakakatanggap ng makatarungang sahod, benepisyo at natatamasa ang mga karapatan bilang manggagawa.
Comments