top of page
Search
BULGAR

‘Pinas, ready ba talaga sa MGCQ?!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 20, 2021



Matapos hilingin ng National Economic Development Authority (NEDA) na isailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang buong Pilipinas sa Marso upang umusad ang ekonomiya, agad na nagpahayag ng iba’t ibang opinyon ang publiko, ilang alkalde at maging ang ilang ahensiya ng gobyerno.


Unang pinalagan ng dalawang NCR mayors ang proposal dahil anila, dapat hintayin na lang ang bakuna, gayundin, kailangan umanong hilingin ang opinyon ng mga health experts hinggil dito.


Ang Department of Transportation (DOTr) naman, nangakong kayang itaas sa 70% ang kapasidad ng public transport sakaling payagan ang MGCQ sa bansa.


Samantala, ibinabala rin ng ilang health experts ang posibilidad na humiling ulit ng “time-out” ang mga medical frontliners dahil posibleng muling tumaas ang COVID-19 cases sa bansa. At kamakailan naman, mayorya ng Metro Manila Mayors ang pumabor sa MGCQ sa Marso 1 para makabawi ang ekonomiya.


Kaya naman, nagpaalala ang World Health Organization (WHO) sa mga opisyal ng Pilipinas sa posibleng sumirit ulit ang COVID-19 cases kung itutuloy ang pagbababa ng quarantine protocols sa ‘Pinas.


Bagama’t nauunawaan ng WHO ang pangangailangan na buksan na ang ekonomiya, kailangan din umanong masusing pag-aralan ang mga lahat ng panuntunan bago ito pagdesisyunan at ipatupad.


Sa totoo lang, napakarami pang kailangan ikonsidera, kaya ang tanong, handa na ba talaga tayo sa mga susunod na mangyayari oras na payagan ang pagluwag ng quarantine?


Tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, dapat nating pag-aralang mabuti kung paano maibabangon ang ekonomiya nang hindi nalalagay sa panganib ang ating mga kababayan dahil ngayon pa lang, kung kinakailangang mas higpitan ang pagpapatupad ng health protocols, gawin na.


Tulad na lang ng signages sa mga estabilsimyento na “No facemask and no face shield, no entry”, pero nakakapasok naman ang mga kostumer nang walang faceshield at hindi nakasuot nang maayos ang facemask. Sa mga pampublikong sasakyan, kung hindi kapiraso ang pagitan ng mga pasehero, sira-sira naman ang barrier.


Ilan lang ‘yan sa mga kasalukuyang nangyayari habang nasa general community quarantine (GCQ) ang ilang lugar sa bansa, kabilang ang Metro Manila.


Napakalaking hamon nito para sa ating pamahalaan, kaya kung mailalagay sa MGCQ ang ‘Pinas, paano na? Kakayanin ba talaga?

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page