top of page
Search
BULGAR

‘Pinas, pinarangalan bilang 2023 Asia’s Leading Dive Destination

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Marso 16, 2024


Isasa sinasabing bumubuhay sa ekonomiya ng isang bansa ang kanyang turismo. Kung masigla ito at mataas ang antas, ibig sabihin, makatutulong ito sa kabuhayan ng bansa. 


Nang magbukas ang ekonomiya ng Pilipinas matapos ang mahigit 2 taong pandemya ng COVID-19, naging malaking aspeto sa muli nating pagbangon ang ekonomiya. 


Base sa opisyal na datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, umaabot sa 6.2% ang naitulong ng turismo sa economic growth. 


Hindi lamang dahil sa pagdagsa ng mga turista sa bansa ang dahilan kung bakit mabilis ang pagbabalik-sigla ng ating kabuhayan, kundi nakalilikha rin ang turismo ng mas maraming trabaho sa kalakasan ng sektor. 


Ayon mismo sa Department of Tourism (DOT), mahigit 5 milyong Pinoy ang kasalukuyang employed sa ilalim ng tourism sector. 


Ibig sabihin, sa kabuuang bilang employment rate, 11 percent dito ang nasa turismo, o higit sa isa sa kabuuang 10 indibidwal ang nagtatrabaho sa naturang sektor. Nabatid pa sa DOT na sa unang dalawang buwan ng taon (2024), nakapagtala na sila ng 1.2 milyong foreign visitors sa bansa. 


Nitong Marso 5, ayon sa ahensya, may kabuuan nang 1,227,815 ang naitalang international tourist arrivals sa Pilipinas. At ang target ng DOT bago matapos ang taon ay kailangang maabot nito ang 7.7 million arrivals. Pinatutunayan lamang ng mga naglalakihang datos na ito na may malaking potensyal ang sektor na umarangkada pa sa mga susunod na panahon. Isa sa mga nakikitang growth jumpstart ng turismo ang diving industry, na ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco ay nakapag-contribute ng P73B sa kita ng bansa noong 2023. Nangangahulugan na dumoble ang kita ng Philippine tourism mula sa P37B noong nakaraang taon. Hindi masyadong kataka-taka na lumulobo ang growth figures ng diving industry sa ‘Pinas dahil ginawaran ng parangal ng World Travel Awards ang bansa bilang Asia’s Leading Dive Destination noong 2023. Ito na ang ikalimang ulit na nakuha natin ang nasabing award. 


Mababatid na isa ang Pilipinas sa 17 mega biodiverse countries sa buong mundo, kung saan 20,000 uri ng halaman at hayop na makikita rito ay hindi makikita sa iba pang panig ng globa. Mayroon din tayong 2.2 million square kilometers of natural resources at higit 500 uri ng corals at 2,000 uri ng isda ang matatagpuan sa ating mga katubigan.


Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit isa tayo sa mga napipiling diving destinations sa buong daigdig.


Ilan sa mga kilalang diving spots sa Pilipinas ang makikita sa Cebu, Palawan, Puerto Galera at maging sa Tubbataha Reef. Bagaman ang ilan pa nating diving spots ay ‘di pa gaanong dinadagsa, unti-unti na ring nakagagawa ng pangalan ang mga ito at inaasahang makikilala na rin sa mga darating na taon. Ang ating lalawigan ng Aurora na kilala sa surfing, ngayon, unti-unti na ring humahataw bilang diving destination. 


Kung inyong matatandaan, isinabatas na noong Agosto 2023 ang pagkilala sa Baler, Aurora bilang birthplace ng Philippine surfing – at pinagtibay ito sa ilalim ng Republic Act 11957. Ngayon, hindi na lamang surfing, kundi maging diving ang kinagigiliwang gawin ng mga lokal at dayuhang turista sa ating lalawigan. Kung dati, kabuhayan lamang ng ating mga mangingisda ang diving, ngayon, nagiging libangan na ito ng casual divers at isa nang competitive sport ng diving professionals. 


Sa kasalukuyan, masasabi nating malaki pa ang iuunlad ng ating tourism industry.


Kailangan lamang ng tamang paggabay at pagsusulong sapagkat sa totoo lang, malaking tulong ang tourism sector sa paglusog ng ating ekonomiya hindi lamang ngayon kundi sa mga susunod pang panahon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page