top of page
Search
BULGAR

‘Pinas, pasok sa World’s worst traffic

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 21, 2023


Sa kauna-unahang pagkakataon ay may isang tumayo at nanindigang tatapusin umano ang problema sa trapiko sa bansa -- ito ang ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) na tiniyak na mabibigyan na ng solusyon ang napakatagal ng problemang ito.


Nag-ugat ang pangako ni P-BBM dahil sa kahilingan umano ng batang estudyanteng si Frachesco N. Cristiano na nag-iwan ng sulat nang minsan itong bumisita sa Bahay Ugnayan Museum sa Palasyo ng Malacañang kamakailan.


Sa lingguhang vlog na isinasagawa ni P-BBM ay binasa nito ang lahat ng mensahe ng iba’t ibang klase ng pagbati sa social media at kasunod nito ay pumili ito ng ilang sulat ng mga estudyante na dumalaw sa nabanggit na museum.


Mapalad na isa sa napili ni P-BBM ang iniwang liham ni Cristiano na kanyang binasa na may nakasaad na “Dear BBM, please remove traffic in the Philippines”.


Agad namang nagbigay ng tugon si P-BBM na ginagawa na umano ng kanyang pamahalaan ang lahat ng makakaya upang maibsan ang problema sa matinding sitwasyon ng trapiko na napakahabang panahon ng problema.


Ipinaliwanag ni P-BBM na wala umanong Pilipino ang may gusto sa matinding sitwasyon ng trapiko, kaya ipinangako nito na gagawin umano ang lahat kaya naglalagay na ng mga bagong kalsada para mabawasan ang trapik at hindi na mahirapan ang lahat.


Ang pangakong ito ni P-BBM ay umani ng magkahiwalay na pananaw sa social media -- merong natuwa at meron ding hindi naniniwala na maisasakatuparan ni P-BBM ang naturang pangako lalo na ang matinding sitwasyon sa kahabaan ng EDSA.


Dalawang taon na ang nakararaan nang magsagawa ng masusing pag-aaral ang may 84 bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo at hindi naman nabigla ang ating mga kababayan nang maisama ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalalang sitwasyon sa daloy ng trapiko sa buong mundo.


Sa inilabas na ulat ng Numbeo na isang crowd-sourced global statistic database ay inilagay nito ang Pilipinas sa pang-siyam sa overall list para sa taong 2020 at hindi pa ito nasusundan hanggang sa taong kasalukuyan.


Sa kasamaang palad ay walang bansa na mula sa ASEAN region ang nakasama sa top 10 kaya lumabas na ang Pilipinas ang may pinakamalalang sitwasyon kung problema sa daloy ng trapiko ang pag-uusapan sa Southeast Asia.


Narito ang top 10 na may malalang sitwasyon at ang corresponding traffic index scores: Nigeria (308.03); Sri Lanka (293.36); Kenya (274.71); Bangladesh (255.21); Egypt (240.72); Iran (220.43); Peru (214.86); India (207.52); Philippines (198.84) at Colombia (198.41).


Ang susunod na sampu pang bansa na malala rin ang sitwasyon ay binubuo naman ng Turkey, Indonesia, Jordan, South Africa, Lebanon, Russia, Brazil, Mexico, Argentina, at Thailand.


Ang pinakahuling sampung bansa sa kabuuang ulat o may maayos na sitwasyon sa daloy ng trapiko ay ang Switzerland, North Macedonia, Czech Republic, Iceland, Finland, Norway, Bosnia and Herzegovina, Denmark, Estonia, at Austria.


Ang Pilipinas simula pa noon ay nananatili na sa hanay ng world’s worst traffic, dahil noong 2019 -- partikular sa Metro Manila na noon ay naitala sa ikalawang puwesto sa overall ayon sa TomTom Traffic Index 2019 habang ang Bengaluru sa India ang nanguna.


Noong 2018, inihanay din ng Asian Development Bank ang Metro Manila bilang ‘most congested city in developing Asia’ habang ang Boston Consulting Group ay itinala naman ang Metro Manila sa ikatlong puwesto bilang worst traffic in Southeast Asia para sa taong 2017.


Ngayon heto at nangangako si P-BBM -- bigyan sana natin ng pagkakataon at huwag sana nating itulad sa kandidatong si Eddie Gil na nangakong babayaran lahat ng utang ng Pilipinas ngunit hindi natin pinaniwalaan kaya hindi natin ibinoto.


Wala tuloy makapagpatunay kung kaya talagang bayaran ni Eddie Gil ang ating utang o hindi sakaling mahalal siyang pangulo ng bansa dahil hindi natin siya binigyan ng pagkakataon.


Sa puntong ito ay bigyan natin ng pagkakataon si P-BBM na patunayang kaya niyang magmilagro para tuluyang mawala ang problema sa pagsisikip ng trapiko at kung hindi niya matutupad ay doon natin siya kastiguhin at sabihing ‘walang himala’!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page