ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | October 9, 2022
Malaking boost sa industriya ng turismo ang muling pagkakahirang ng Pilipinas bilang isa sa mga top destinations sa buong mundo at Asya.
Humakot ng pagkilala ang bansa at ang mga destinasyon at resort natin, sa Readers’ Choice Awards 2022 ng international travel magazine na Conde Nast.
Hinirang ng mga mambabasa nito bilang pang-10 ang Pilipinas sa mga friendliest na bansa sa buong mundo.
Nasa ika-30 puwesto naman ang Pilipinas sa mga bansang best to travel to sa buong mundo sa nasabing magazine.
☻☻☻
Nasa 1st at 8th place naman ang Boracay at Palawan sa mga Best Islands in Asia, ayon sa Conde Nast.
Hinirang naman na 27th Best Resort in the World ang Shangri-La Boracay, samantalang nasa 40th ang El Nido Resorts - Pangulasian Island.
Pagdating sa top resorts sa Asya, nasa 5th place ang Shangri-La Boracay, 8th ang El Nido Resorts - Pangulasian Island, at 20th place naman ang Shangri-La Mactan Resort and Spa sa Cebu.
Pagbati at pagpupugay sa ating lahat! Nawa’y ipagpatuloy at paghusayan pa natin ang kalidad ng serbisyo at pagpreserba sa ating tourist destinations upang manatili sa listahan at umangat pa.
☻☻☻
Ngunit ipinapakita lamang ng listahan ng Conde Nast na malaki pa ang kailangang i-improve ng Pilipinas pagdating sa turismo, lalo na kung ihahambing sa mga kasapi ng ASEAN.
Kung titingnan ang Best Countries to Travel To list ng magazine, nasa ikatlo at ikaapat na puwesto ang Thailand at Singapore, samantalang nasa ika-27th place naman ang Malaysia.
Bagama't unti-unti nang lumalago ulit ang bilang ng mga turista sa ating bansa, malayo pa rin ito sa mga bilang na naitala bago ang pandemya.
Noong 2019 ay nakapagtala tayo ng 8.26 milyong turista, na bumagsak naman noong kasagsagan ng pandemya. Ngayon ay medyo nakakabawi na tayo, dahil mayroon na tayong 1.6 million arrivals so far.
☻☻☻
Sa pagkakaorganisa ng Senate Committee on Tourism, na kung saan ang inyong lingkod ang Chairperson, tutulong tayo sa pagbabalangkas ng polisiya na makatutulong sa industriya.
Kailangan po nating mag-adjust sa panibagong hamon ng panahon kung nais nating muling bumangon ang industriya ng turismo sa ating bansa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments