ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 6, 2023
‘Sala sa init, sala sa lamig’, ito ang kinakaharap nating sitwasyon kung pag-unlad ang pag-uusapan dahil sa patuloy na gumaganda ang merkado sa bentahan ng sasakyan sa bansa na hindi natin matukoy kung makabubuti o makasasama.
Kapansin-pansin na araw-araw ay may mga bagong modelo ng sasakyan ang naglalabasan sa lansangan dahil sa napakabilis na prosesong pinaiiral ng mga car distributor na bukod sa mababang down payment ay napakababa pa ng buwanang hulog.
Kaya ang resulta, mas mabilis ang pagdami ng sasakyan kumpara sa naiisip na solusyon ng pamahalaan kung paano palalaparin ang mga kalsada upang hindi magkaroon ng pagsisikip ng daloy ng trapiko, lalo na sa Metro Manila.
Sa mahabang panahon ay hirap na hirap ang mga kababayan natin na nasa bahagi ng South area ng National Capital Region (NCR) bago makatawid sa bahagi ng North ngunit gagaan ang sitwasyon sa mga lugar na ito sa oras na matapos ang North-South Commuter Railway (NSCR).
Kasalukuyan nang sinisimulan ang konstruksyon ng massive railway project sa Luzon na NSCR. Isa itong 147-kilometrong haba ng urban rail transit na magkokonekta sa New Clark City patungong Calamba na planong lagyan ng 37 istasyon.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr) tatahakin ng NSCR ang kahabaan ng Central Luzon, NCR at CALABARZON na gagawin na lamang dalawang oras ang biyahe mula sa apat na oras at milyong pasahero umano ang mabibigyan ng serbisyo araw-araw.
Pinondohan ng Japan International Cooperation Agency at Asian Development Bank ang NSCR na tinatayang aabot sa P873 bilyon ang halaga na itinuturing na pinakamahal na railway transportation projects sa kasaysayan ng Pilipinas.
Kung bukas na bubuksan ang NSCR ay malaking tulong ito sa kasalukuyang problema natin sa pagsisikip ng daloy ng trapiko ngunit tinatayang matatapos ang kabuuan ng proyekto sa 2029 kaya malaking problema pa ang ating kakaharapin habang hinihintay natin itong makumpleto sa loob ng anim na taon.
Sa pinakahuling ulat ng DOTr, ang Metro Manila Subway ay kasabay na bubuksan ng NSCR, kaya napakalaking pagbabago ang ating mararanasan ngunit hangga’t hindi pa natatapos ang dalawang mass transport system na ito ay hindi natin matiyak ang ating kakaharapin.
Patuloy kasi ang paglakas ng bentahan ng kotse, trak at motorsiklo na buong giting na ipinagmamalaki ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI) na umabot na sa 32% ang pagtaas ng kanilang benta kumpara sa 352,596 noong 2022.
Base naman sa datos ng Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA) ay umabot sa 2.3 milyong motorsiklo ang nairehistro sa Land Transportation Office (LTO) at tumaas din ang benta ng 16.7% ngayong 2023.
Kung magpapatuloy ang ganyan karaming sasakyan ang naibebenta ng mga ahente taun-taon ay tiyak na aapaw ang ating mga kalye dahil tiyak na mas tataas pa ang sale nito dahil sa paganda nang paganda at pabago nang pabago ang istilo ng bentahan.
Ang masaklap, sa loob ng hinihintay nating anim na taon bago mag-2029 ay tiyak na mapapalitan na ang kasalukuyang nakatalaga sa ating mga ahensya na siyang namamahala sa trapiko ngunit ang mga kalsada ay hindi naman nadaragdagan.
Alam n’yo bang pinag-aaralan na ng DOTr kung paanong pati ang mga sasakyang tulad ng electric scooter, electric bike, skateboard at iba pang may gulong na puwedeng dumaan sa bike lane ay payagan na rin para makatulong sa mass transport.
Hindi pa ito aprubado ngunit umaabot na tayo sa ganitong kaisipan dahil sa napakalaking problema natin sa daloy ng trapiko na ayon sa ulat ng Serbia-based research firm na Numbeo -- ang Pilipinas ay nananatiling pang-siyam sa buong mundo na may pinakamalalang sitwasyon sa trapiko simula pa noong 2015.
Ngayon, nakakatulong ba sa ekonomiya ang malakas na bentahan ng sasakyan sa bansa o baka sa kangkungan tayo pulutin dahil bilyun-bilyong piso rin ang nalulugi sa atin sanhi ng sobrang traffic. Ano sa tingin n’yo?
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios