top of page
Search
BULGAR

‘Pinas, nalubog sa utang dahil sa dami ng mga kurakot sa gobyerno

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 20, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DAHIL SA DAMI NG KURAKOT SA PAMAHALAAN KAYA NALUBOG SA UTANG ANG ‘PINAS -- Ibinulgar ni senatorial bet, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na “nalunod” daw sa utang ang Pilipinas dahil sa talamak na corruption sa pamahalaan.


Sa totoo lang, wala namang ibang dapat sisihin sa pagkalubog ng ‘Pinas sa utang kundi ang mayoryang botante kasi ang paulit-ulit nilang ibinobotong mga pulitiko ay ‘yung may mga sikat na pangalan na nagpapanggap na mga lingkod-bayan, pero ang katotohanan ay mga kurakot, period!


XXX


‘PINAS, RANK 2 SA SOUTHEAST ASIA SA MAY PINAKAMARAMING KURAKOT NOONG 2023 -- Hindi naman talaga maitatanggi na talamak ang corruption sa pamahalaan at napatunayan iyan sa inilabas na datos ng "Our World in Data" na sa kanilang research patungkol sa political corruption index sa Southeast Asia noong year 2023, panahon na ito ng Marcos administration, ay lumabas na ang bansang number 1 sa katiwalian ay ang Cambodia, at ang Pilipinas ang rank 2 sa corruption.


Iyan ang dahilan kung bakit maraming mahihirap na Pinoy, kasi nga maraming kurakot sa pamahalaan. Eh last year (2024), ano na kaya ang ranking ng ‘Pinas sa corruption? Abangan!


XXX


KAPAG NAG-IMBESTIGA ULI ANG QUADCOMM, VP SARA, MAGIGISA NA NAMAN SA ISYUNG GUMASTA NG P211M SA SCHOOL BUILDINGS PERO 22 LANG ANG NATAPOS -- Naglabas na statement ng Commission on Audit (COA) na sa panahon daw ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio bilang kalihim ng Dept. of Education (DepEd) ay naglabas daw ito ng DepEd funds na higit P211 million at ibinayad sa mga piling kontratista para sa pagpapagawa ng 98 eskwelahan, pero ang ginawa lang daw ng mga contractor ay 22 school buildings.


Dahil sa ibinulgar na iyan ng COA ay asahan na ni VP Sara at mga dati niyang tauhan sa DepEd na kapag nag-imbestiga uli ang Quad Committee ng Kamara, magigisa na naman silang lahat sa isyung ito, period!


XXX


FAKE NEWS PALA ANG SINABI NI COMELEC CHAIRMAN GARCIA NA WALANG PROBLEMA SA PANIBAGONG PAG-IIMPRENTA NG MGA BALOTA, PERO MERONG MALAKING PROBLEMA -- Ayon kay Atty. John Rex Laudiangco, spokesperson ng Comelec, namomroblema ngayon ang komisyon kung sasapat ang kanilang pondo para sa printing ng balota ng May 12 national and local elections dahil umabot daw sa P260 milyon ang kabuuang nasayang na pondo ng poll body dahil sa na-print na 6 milyong balota na hindi na puwedeng gamitin dahil sa inisyung temporary restraining order ng Supreme Court (SC) sa mga diniskuwalipikang kandidato.


Kung ganu’n, fake news pala ang naunang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na wala raw problema sa gagawing pag-iimprenta uli ng mga balota, eh ‘yun pala ay may malaking problema, at ito nga ay ang pondo sa panibagong pag-iimprenta ng mga balota, boom!

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page