ni Ryan Sison - @Boses | September 29, 2021
Mula sa pagiging ‘high risk’, bumaba na sa ‘moderate risk’ ang estado ng COVID-19 sa bansa, base sa datos ng Department of Health (DOH) matapos sumadsad sa -4% ang 2-week growth rate o bilang ng nagkakasakit noong nakaraang dalawang linggo.
Nasa “moderate risk” na rin ang bed utilization ng Pilipinas, subalit nananatiling “high risk” ang intensive care unit (ICU) utilization rate, kung saan higit 2,000 ang nabawas sa average COVID-19 cases kada araw noong nakaraang linggo kumpara noong Setyembre 13 hanggang 19.
Ayon sa DOH, sa National Capital Region (NCR) nakikita ang malaking pagbaba ng bilang ng mga nagkakasakit kung saan nasa -13% na rin ang growth rate ng rehiyon.
Sa Pasay City, ramdam ang bahagyang pagbaba ng active cases dahil mula 855 noong Biyernes, 835 na ito ngayon. Gayundin, patuloy ang pagbaba ng datos sa Makati, na nakikitang dahil na rin sa ginagawang enhanced community quarantine (ECQ).
Samantala, “moderate risk” na rin ang Calabarzon at Central Luzon pero nasa “high risk pa rin ang bed at ICU utilization rate sa mga rehiyon.
Gayunman, ayon kay Dr. Alethea de Guzman, direktor ng DOH Epidemiology Bureau, nananatiling maingat ang kagawaran sa pag-interpret ng mga datos.
Kung tunay na nasa moderate risk na ang bansa sa COVID-19, magandang balita ito para sa lahat. Ibig sabihin, mababa na ang hawahan, pero hindi naman ito nangangahulugan na makakampante na tayo. Pero tulad ng palagi nating sinasabi, anuman ang mangyari, dapat tuloy ang pag-iingat dahil sa paligid lang ang virus.
Kung nasa moderate risk na nga tayo, siguro nga ay nagbubunga na ang mga pagsisikap ng pamahalaan tulad ng vaccination program.
Ngunit kasabay nito, ‘wag nating kalimutan ang mga pag-iingat na ating nakasanayan. Hangga’t nariyan ang pandemya, tuloy ang pag-iingat para sa ikabubuti ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments