ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 10, 2023
Masaya ko pong ibinabalita na mayroon na tayo ngayong 158 na Malasakit Center sa buong bansa. Ang pagbubukas ng latest na Malasakit Center ay personal nating sinaksihan kahapon, June 9, sa Diosdado Macapagal Memorial Hospital sa Guagua, Pampanga.
Kasama natin ang bagong naitalagang kalihim ng Department of Health na si Dr. Teodoro Herbosa at ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Pampanga sa pamumuno nina Gov. Dennis Pineda, Vice Gov. Lilia Pineda, at iba pang kabahagi ng inisyatibang ito.
Sa kabuuang bilang na ito, 89 Malasakit Center ang nabuksan sa Luzon, 30 sa Visayas, at 39 sa Mindanao. Pang-apat din ito sa Pampanga at ika-15 naman sa buong Central Luzon. Patuloy po nating pinagsusumikapan na mas maparami ang Malasakit Center sa ating bansa sa pangunguna ng DOH na siyang pangunahing nagpapatupad ng Malasakit Center program para mas maraming nangangailangan ng tulong medikal ang maalalayan, lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang ibang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Sinimulan po natin ang Malasakit Center program noong Special Assistant pa tayo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa layuning laging unahing paglingkuran ang mga mahihirap.
Nagbukas ang pinakaunang Malasakit Center noong February 2018 sa Cebu City. Nang mahalal tayo bilang senador noong 2019, inakda natin at inisponsoran ang panukala bago tuluyang naisabatas ang Malasakit Centers Act o ang Republic Act No. 11463 matapos lagdaan ni Tatay Digong.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan pinadadali ang mga proseso ng paghingi ng tulong medikal sa Department of Social Welfare and Development, DOH, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office. Dahil nasa iisang bubong na ang mga ahensyang lalapitan ng mga pasyente, hindi na sila magpapalipat-lipat pa ng pagpila at dadayo sa iba’t ibang opisina para lang makakuha ng tulong medikal.
Sabi ko nga, pera naman ng taumbayan ito kaya dapat huwag na silang pahirapan pa at ibalik dapat sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo. Sa datos ng DOH, mahigit pitong milyong pasyente so far na ang natulungan ng Malasakit Centers sa buong bansa.
Samantala, naging abala naman tayong muli ngayong linggong ito sa iba pang mga gawain sa labas ng Senado sa ating patuloy na paghahatid ng serbisyo sa iba’t ibang komunidad sa buong Pilipinas.
Kahapon, June 9, ay bumisita rin tayo sa Bulacan at sinaksihan ang ribbon cutting ceremony and blessing ng Meycauayan City Super Health Center doon. Matapos ito ay pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng ayuda sa 1,465 mahihirap na residente ng Meycauayan City. Dumaan din tayo sa Guiguinto para naman abutan ng tulong ang 1,000 na mga estudyante. Sa aking pagbisita rin sa Guagua, Pampanga, nagpaabot ang aking opisina ng tulong sa mga pasyente at frontliners. May hiwalay ding tulong ang DSWD para sa mga kwalipikadong pasyente.
Nanggaling naman tayo noong June 8 sa Nueva Ecija, kung saan isa akong adopted son, at pinagaan ang dalahin ng 1,493 mahihirap na residente ng Palayan City. Nakarating din tayo sa Quezon City noong parehong araw at nagkaloob ng educational assistance sa 1,000 Grade VI students ng Pasong Tamo Elementary School. Nabigyan din natin ang 160 mahihirap na residente ng burial, medical and financial assistance.
Masaya ko ring ibinabalita na kasabay namang ginanap nang araw ding iyon ang groundbreaking ceremony ng itatayong Mabuhay Super Health Center sa Zamboanga Sibugay.
Biyaheng Iloilo naman tayo noong June 7 at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Barotac Viejo Super Health Center. Nagbigay din tayo ng tulong sa 1,000 benepisyaryo at binisita ang kanilang fire station doon. Dumaan din tayo sa Banate at pinagaan ang dalahin ng 1,897 residente na bumabangon pa mula sa epekto ng nakaraang Bagyong Agaton.
Matapos ito ay dumiretso tayo sa Negros Occidental para naman saksihan ang groundbreaking ng itatayong Silay City Super Health Center. Dinaanan ko rin ang ginagawang bagong gusali ng Teresita L. Jalandoni Provincial Hospital na napondohan noon sa tulong natin. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng suporta para sa 2,000 mahihirap na taga-Silay City mula sa iba’t ibang sektor kasama na ang agrikultura. Dumalo rin tayo sa Silay City Charter Anniversary at nanood ng PWD sitting volleyball competition na ginanap sa Natalio Velez Sports and Cultural Center. Bilang chair ng Senate Committee on Sports, kahit sino ay maaaring makilahok sa sports, at dapat talagang binibigyan ng pagkakataon kahit ang mga PWDs na maging matagumpay sa anumang larangan.
Hindi rin tumitigil ang aking opisina sa araw-araw na pag-alalay sa ating mga kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap nating inayudahan ang 76 na residenteng naging biktima ng magkahiwalay na insidente ng sunog sa Bgy. San Dionisio at Bgy. La Huerta sa Parañaque City. Sa isinagawang medical mission sa Culasi, Antique ay 360 pasyente ang ating sinuportahan. Nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong sa 380 TESDA students na nakakumpleto na ng kanilang pagsasanay sa Lapu-Lapu City, gayundin sa 90 bagong kasal mula Baroy, Lanao del Norte.
Napagaan din natin ang dalahin ng 1,500 mahihirap na residente ng Sta. Rosa, Cabanatuan City, at 600 pa sa General Mamerto Natividad, mga lugar sa Nueva Ecija; 1,015 sa Alitagtag, Batangas; 500 sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte; 150 sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte; at 53 sa Iba at 13 pa sa Botolan, Zambales.
Hindi po ako pulitiko na mangangako ng kung anu-ano. Sa halip ay magtatrabaho lang ako para sa inyo sa abot ng aking makakaya. Nawawala ang aking pagod ‘pag nakakatulong ako sa kapwa, lalo na ang mga pinakanangangailangan.
Patuloy kong sinusunod ang payo sa akin ni Tatay Digong — unahin ang mga mahihirap at hinding-hindi ka magkakamali sa iyong ginagawang pagmamalasakit at pagseserbisyo sa mga Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários