top of page
Search
BULGAR

'Pinas, mapapalaban sa NBA 2K23: eFIBA Season 1

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 14, 2023




Pormal na ipinakilala ng FIBA ang unang torneo ng NBA 2K23: eFIBA Season 1 na magsisimula ngayong Enero 20 at isa ang Pilipinas sa 30 bansa na kalahok. Nais ng eGilas Pilipinas na ipagpatuloy ang mga tagumpay na natamasa sa FIBA eSports Open noong 2020 at 2021.


Sasabak ang mga Pinoy sa Southeast Asia Conference kasama ang mga pambato ng Indonesia at Mongolia sa isang single round robin o tig-dalawang laro bawat bansa. Ang dalawang may pinakamataas ng kartada ay tutuloy sa knockout championship sa Enero 24, isa sa anim na kokoronahan.


Nagkampeon agad ang eGilas sa pinakaunang FIBA eSports Open noong Hunyo, 2020 at tinalo ang Indonesia. Isinuko ng mga Pinoy ang tropeo sa Australia sa sumunod na torneo pagsapit ng Nobyembre at subalit bumawi at nabawi ito kontra Indonesia sa pangatlong edisyon noong Abril, 2021.


Tulad ng nakagawian, sa online at hindi face-to-face ang mga laro. Pinagharap ang mga magkakalapit na bansa upang makaiwas sa mga suliranin pagdating sa internet.


Ang iba pang bansa sa Asya ay nasa Middle East Conference na Lebanon, Saudi Arabia at Qatar. Isang dosena ang kalahok sa European Conference na Belgium, Cyprus, Pransiya, Alemanya, Gran Britanya, Italya, Latvia, Lithuania, Portugal, Espana, Turkiye at Ukraine.


Binubuo ang Africa Conference ng Tunisia, Ghana, Benin, Burkina Faso, Morocco, Ehipto, Cote d’Ivoire at Madagascar. Maglalaro agad ng championship sa Enero 26 ang Barbados at Puerto Rico para sa North America Conference at Argentina at Brazil sa South America Conference.


Ang mga laro ay gaganapin gamit ang Pro-Am mode ng NBA 2K23 na isa sa pinakasikat na online game sa buong mundo. Lahat ng kaganapan ay mapapanood sa opisyal na social media ng FIBA.


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page