ni Imee Marcos @Imeesolusyon | March 21, 2023
Nababahala ako sa pahayag ng ilang grupo ng environmentalist na aabutin ng deka-dekada bago tuluyang makarekober ang ating mga karagatan mula sa oil spill sa Mindoro at mga karatig-probinsya.
Napakaseryoso ng dagok na nilikha ng naturang oil spill, kung saan marine life ang unang tinamaan nito at alam naman natin na ang domino effect niyan, eh, kakapusan ng isda sa bahaging ‘yan ng ating bansa dahil unti-unti na silang namamatay at nalalason. Juskoday!
Ikalawa, buhay mismo ng ating mga kababayan sa mga probinsyang ‘yan ang nasa peligro. Abah, eh ‘di ba, sa latest report ay nasa 161 na ang nagkakasakit.
Ikatlo, ang mismong kabuhayan ng mga taga-r’yan, ‘di ba nga, pangingisda pa ang pangunahin nilang ikinabubuhay.
Nababanas ako na mismong taga-MARINA o Maritime Industry Authority ang nagsabing
naglayag ang MT Princess Empress na walang permit.
Bukod d’yan, nabuko naman ng Department of Justice (DOJ) na hindi nakadisenyo ang barkong ito bilang oil tanker at luma raw, kaya ambilis nitong lumubog! Que Horror, ano bah!
Wala naman akong ma-say dahil ambilis ng tugon ng ating pamahalaan sa oil spill disaster na ito sa Mindoro. Kaliwa’t kanan ang mga pag-ayuda, mayroon pang cash for work sa fishermen.
Pero sa ganang akin, IMEEsolusyon na paspasan ng mga local government units (LGUs) d’yan na kung kinakailangang pansamantalang palipatin ang ilang mga residenteng sobrang lapit sa mga dalampasigan na may oil slick, abah eh. ilipat na muna sa mga evacuation center para iwas-sakit.
Du’n na muna sa mga evacuation sila bahagian ng mga ayuda. IMEEsolusyon din na bukod sa U.S., Japan at Korea na nag-aalok ng tulong, eh, lumapit na tayo sa iba pang friends nating mga bansa na keri at may high-tech equipment talaga na mabilis na makapaglilinis ng tagas ng langis.
IMEEsolusyon din na panagutin ang may-ari ng barko kapag napatunayang walang permit ang MT Princess Empress nang maglayag at dapat ding magbigay sila ng danyos sa mga naapektuhan.
Panawagan ko sa mga environmentalist na plis, tumulong na rin kung ano’ng kayang maitutulong para maisalba ang ating mga karagatan at dalampasigan sa kontaminasyon ng oil spill!
Comments