top of page
Search

‘Pinas, isa sa mga bansang may pinakamaraming basura sa karagatan

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 13, 2021



Nakakapangilabot isipin na sa gitna ng pandemyang ito na napakaraming tao ang binabawian ng buhay ay may mga paggalaw pa tayong nararamdaman mula sa maraming bansa upang literal na iligtas ang ating mundong ginagalawan.


Positibo ang mga hakbanging ito na mailigtas ang kinabibilangan nating planeta sa pamamagitan nang pag-uumpisa sa pagbibigay-proteksiyon sa marine ecosystems ng mga rehiyon na sumasakop sa halos kalahati ng katubigan sa buong mundo.


At napakalaki ng papel na gagampanan ng mga bansa sa Southeast Asia upang mapagtanto ng marami na panahon na para isagawa ito at marating ang mithiing maisalba ang buong daigdig sa tiyak na kapahamakan.


Dahil sa pagtuon sa biodiversity sa mga rehiyon, ang mga estadong kaanib ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) ay isinusulong na magkaroon ng sama-samang pagkilos upang matagumpay na marating ang pandaigdigang mithiin na maisalba ang kahit 30-porsiyento ng planeta sa 2030.


Kahit panahon ng pamdemya, nanawagan ang Asean Centre for Biodiversity (ACB) na humanap ng paraan ang mga bansang kaanib na bumuo ng pagsasama-sama upang mapalakas ang kapasidad na maisalba ang marine resources sa mga rehiyon.


Maging ang mga naninirahan sa malapit sa mga karagatang nagkokonekta sa Asean ay nananawagan din ng pagkakaisa para matugunan ang climate crisis kasabay ng maayos na pamamahala sa ating biodiversity.


Ang karagatan na nagdudugtong sa Southeast Asia ang nagsisilbing tahanan ng mga yamang-tubig kabilang na ang mga coral reefs, mangroves, estuaries, sandy at rocky beaches, sea grass, seaweed beds, at iba pang komunidad na nasa ilalim ng karagatan.


Ang pinamamahayan at ang mga residenteng species na siyang nagpaparami ng lahi, nangangalaga at nagsisilbing feeding ground para naman sa mga isda at iba pang nabubuhay sa karagatan kabilang na ang halamang-dagat ay mahalaga para sa kabuhayan ng coastal communities.


Hindi lang ‘yan dahil may pag-aaral na posibleng umabot na sa 500 milyon katao ang inaasahang magtatayo ng mga tahanan malapit sa mga dalampasigan, partikular sa coastal at marine areas ng Southeast Asia na magdadagdag ng malaking problema sa polusyon.


Kaya kung magpapatuloy ang pang-aabuso ng mga tao sa kalikasan at mga yamang-dagat, kabilang na ang climate change ay malaking banta ito para sa pagkawasak ng ecosystem ng malawak na karagatan.


Kaya mabuting hindi nagpapahuli ang Pilipinas pagdating sa mga ganitong pagkilos dahil pangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang national plan of action (NPOA) upang matulungang mapigilan, mabawasan at mapamahalaan ang dumi sa karagatan sa bansa.


Nakatakda itong ilunsad sa Nobyembre ng taong kasalukuyan upang maitaas ang kamalayan sa pagtutulungan hinggil sa responsabilidad, pananagutan at pakikilahok sa pamahalaan upang matugunan ang matagal ng problema ng bansa sa mga basurang nagkalat sa karagatan.


Hindi na kasi basta dumi ang matatagpuan sa mga karagatan tulad ng kalawang na bakal, sirang gamit, plastic materials at marami pang iba na sandyang inabandona sa gitna ng karagatan at ngayon ay dumagdag pa ang araw-araw na pagkakalat ng itinapong facemask.


Ayon sa Environmental Management Bureau ng DENR ay target nila ang zero waste sa karagatan ng bansa sa taong 2040 at hindi malayong ito ay maiskatuparan kung seryoso lamang nilang gagawin ang napakaganda nilang hangarin.


Naalarma kasi ang DENR matapos lumabas ang ulat mula sa international studies na tinutukoy ang Pilipinas na isa sa mga nangunguna sa maraming bansa na may pinakamaraming basura sa karagatan.


Nasa ikatlong puwesto tayo sa may pinakamaraming basura sa malawak na bahagi ng ating karagatan at tinatayang nasa 0.8 milyong metric tons ng plastic marine debris ang nahahakot o nakukuha sa karagatan bawat taon.


Ito ang kagandahan sa DENR dahil hindi sila pumapayag na makaladkad ang pangalan ng bansa dahil sa kapabayaan kaya agad silang naglabas ng mga makabagong estratehiya para maging malinis ang ating karagatan.


Maganda ang inihandang plano ng DENR dahil palalakasin pa nila ang pagrekober sa mga basura, may mga recycling coverage pa at tutukan na ang pagtukoy sa mga daluyang kumakatas ng masangsang na amoy mula sa mga basura na karaniwang nanggaling sa mga pabrika o establisimyento.


Hindi ba’t ilang taon na ang nakararaan nang madiskubre ng pamunuan ng DENR na maraming bahagi ng ating karagatan na malapit sa mga establisimyento ay may mga nakabaong tubo patungo sa dagat at dito pinapalusot ang iba’t ibang klase ng dumi.


Pero lumalabas na hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagpapalusot dahil likas na may mga kababayan tayong walang pakialam kahit makaperwisyo ng kapwa basta’t makapagpalusot lamang.


Maganda rin na palakasin ang mga lokal na pamahalaan at ibang grupo ng ating mga kababayan para pagtulungan na matugunan na maging malinis ang ating karagatan at paigtingin ang kamalayan hinggil sa pagpapatupad ng RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.


Matindi na ang kinahaharap natin sa pandemyang ito at marami na ang binawian ng buhay, sana lang ay huwag na tayong umabot na may magbuwis na naman ng buhay dahil lang sa pagkasira ng kalikasan at ng ating daigdig. Sama-sama nating iligtas ang mundo para sa susunod na lahi!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page