top of page
Search
BULGAR

‘Pinas handa vs. HIV, mga positibo, ‘wag magdalawang-isip magpagamot

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 10, 2023


Nagpamalas ng kahandaan ang pamahalaan hinggil sa hindi na mapigilang pagtaas ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) makaraang ianunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nakahanda ang gobyerno laban sa lumalalang sitwasyon ng sakit na ito.


Hinimok ng PCSO ang mga Filipino HIV infected na huwag magdalawang-isip na lumapit sa ahensya ng gobyerno, kabilang na ang kagawaran upang makapagbigay ng kaukulang tulong sa mga ito.


Ang anunsyong ito ay nagsilbing kislap sa dilim na nagbigay liwanag sa marami nating kababayan na nagdurusa sa sakit na HIV at wala nang mapuntahan matapos ang pangambang dinanas nila sa tila hindi na maresolbang pagtaas ng kasong HIV sa bansa.


Ang pamahalaan ay gumagawa ng aktibong pamamaraan upang makasiguro na ang mga HIV infected na mga Pilipino ay nabibigyan ng kaukulang gamutan.


Ipinahayag pa ng PCSO na si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at ang Department of Health (DOH) ay magkatuwang na nagtatrabaho para magkaroon ng maraming treatment hubs sa iba’t ibang lugar sa bansa sa gitna ng pagtaas ng HIV cases.


Kamakailan lang, inanunsyo ng DOH na nakapagtayo ang ahensya ng dalawang HIV treatment hubs sa Cordillera Administrative Region (CAR).


Base sa ulat ng DOH, mayroong 50 bagong HIV cases na naitatala sa bansa araw-araw, na lubhang tumaas kumpara sa 22 daily cases noong taong 2022.


Lubhang nakaaalarma ang ganitong ratio ng pagtaas ng HIV at kinakailangang mapagtuunan ng pansin ng ating pamahalaan.


Ang PCSO ay nagbibigay ng tulong para sa gamutan sa pamamagitan ng kanilang Medical Access Program.


Kung susuriin, mahal talaga ang gamutan sa sakit na HIV kaya’t ipinapaalala natin sa ating mga kababayan na ang PCSO ay nagbibigay din ng tulong pinansyal para sa mga HIV patients.


Hinihimok natin ang mga HIV-positive Pinoy na humingi ng tulong sa mga kinauukulang ahensya upang matugunan at mabigyang liwanag na mayroon pa ring halaga ang kanilang buhay sa kabila ng kanilang kinakaharap na sakit.


Ani nga ng mga eksperto, “People living with HIV (PLHIV) could still have a good life,” at hindi ito isang death sentence na nararanasan katulad noong mga nakalipas na wala pang iginagawad na treatment, kumpara ngayon na sa maagap na diagnosis at treatment, magkakaroon pa rin sila ng maayos na buhay.


Positibong pananaw at pagharap sa katotohanan para agad na maresolba at masimulan ang gamutan. Ang paghingi ng tulong sa pamilya, kaibigan, katrabaho ay isang positibong hakbang.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page