ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Marso 2, 2024
Kamakailan, nilagdaan at pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ating napakahalagang panukalang batas na kung tawagin natin ay ‘pet bill’ – ang Tatak Pinoy Act.
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makikita nating pinagtitibay ng Pangulo ang isang panukalang punumpuno ng pangarap at may potensyal na maging gamechanger para sa ating bansa at sa mamamayan.
Limang taon nating isinulong ang Tatak Pinoy bill. At sa loob ng napakahabang panahon na ‘yan, ‘di na halos mabilang ang mga ginawa nating konsultasyon, pag-aaral at pananaliksik upang masiguro lamang na tayo ay makalilikha ng isang batas na tunay na makabuluhan.
Ang Republic Act 11981 o ang Tatak Pinoy Act na nilagdaan ni Pangulong Marcos ay isa rin sa mga priority bills ng kasalukuyang liderato. Kaya’t malaki ang pasasalamat natin sa ating Presidente sapagkat kaisa natin siya sa pagsusulong ng batas na ito. Naging tulay sa mabilis na pagpasa nito sa dalawang sangay ng Kongreso ang backing ng Punong Ehekutibo.
At liban sa Pangulo, pasasalamatan din natin ang ating mga magigiting na kasamahang senador, gayundin ang mga congressman na nagbigay din ng kanilang buong suporta sa ating panukala. Partikular na pasasalamat sa ating kaibigan na si Congw. Stella Luz Quimbo at kay Rep. Mario Vittorio Marino na author at sponsor ng counterpart bill sa Kamara.
At para lubusan nating maipakilala sa publiko ang Tatak Pinoy Act, nais kong sabihin sa inyo na pinasimulan natin ang pagsusulong nito noon pang 2019. Naging inspirasyon natin sa paglikha ng batas na ito ang Atlas of Economic Complexity, ang pinagtulungang trabaho ng dalawang magagaling na ekonomista na sina Dr. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Dr. Cesar Hidalgo, propesor sa University of Toulouse sa France at dating associate professor in media arts and sciences sa Massachusetts Institute of Technology (MIT).
Sa kanilang pag-aaral, napatunayan nila na ang mga bansang nakakapag-produce ng mga mas sopistikado at diverse goods and services ay mas mabilis umunlad kumpara sa ibang mga bansang wala nito.
Sa totoo lang, maayos naman daw ang posisyon natin sa Economic Complexity Index nina Hausmann at Hidalgo – pang-33 tayo sa kabuuang 131 countries noong 2021.
Patunay ito na may malaking potensyal ang Pilipinas na umunlad pa. Ang kailangan lang, linangin at madiskubre natin mismo ang mga kakayahang ito. Isa tayo sa mga bansang sinasabi na fastest growing economies – kumbaga, mabilis din ang pag-unlad natin at kailangan natin itong samantalahin at lalo pang palakasin.
Ito ang nagpasidhi sa kagustuhan nating bumuo ng isang batas na magtutulak sa abilidad ng ‘Pinas. Mahalagang nabibigyang importansya ang papel ng mga industriyang Pinoy sa long-term economic development at sa pagpapayaman sa ating bansa.
Sa tulong ng Tatak Pinoy Act, bibigyan ang mga industriyang ito ng mga kinakailangang tulong upang makasabay sa lakas ng iba’t ibang bansa sa pandaigdigang merkado. Ang esensya ng batas na ito ay mas mabigyang buhay ang ating productive development policy na susuporta sa mga Pilipino at sa kani-kanilang mga produkto.
Kaugnay nito, lilikha ang gobyerno ng isang Tatak Pinoy Council (TPC) na pangangasiwaan ng DTI, NEDA, DOF, DA, DBM, DICT, DILG, DOLE at DOST. Ang TPC ang magsisilbing policy-making advisory body para sa Pangulo at siyang may mandato sa pag-develop at pagpapatupad ng Tatak Pinoy Strategy (TPS). Ang TPS naman ang magsisilbing roadmap o gabay ng gobyerno at ng pribadong sektor sa pagpapalakas sa mga piling-piling industriyang Pilipino na may malaking kakayahang lumikha ng mga sopistikadong produkto at serbisyo na isasabak natin sa global market.
Marami pa tayong pagdaraanan bago natin maabot ang ranggo ng mga pinakamalalaking ekonomiya sa globa. Kumbaga, marami pa tayong ‘bigas na kakainin’ bago natin sila makapantay. Pero sa tulong ng Tatak Pinoy Act, malaki ang pag-asa nating maisakatuparan ang pangarap na ito sa mga susunod na panahon. Darating ang araw, maaabot din natin ang pangarap nating maging isang bansang industriyalisado.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments