ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 17, 2023
Binasag na ng Estados Unidos ang kanilang pananahimik matapos nilang kondenahin ang Chinese Coast Guard (CCG) sa paggamit nito ng ‘military-grade laser light’ sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na noon ay nasa opisyal na misyon.
Nagrerekorida ang PCG dahil sinusuportahan nila ang rotation and resupply (RoRe) mission ng Philippine Navy (PN) nang biglang tutukan ng CCG ng laser light ang PCG vessel sa Ayungin Shoal, West Philippine Sea na nagdulot umano ng saglit na pagkabulag sa ilang kaanib ng PCG.
Ilang araw nang naglalabasan sa mga balita ang pangyayaring ito na hanggang ngayon ay patuloy pa ring pinag-uusapan mula nang maganap ito noong Pebrero 6 ng gabi kung saan tinutukan ng CCG vessel na may bow number 5205 ang BRP Malapascua (MRRV-4403).
Ayon sa pahayag ni US State Department Spokesperson Ned Price, ang ginawa umano ng CCG ay ‘provocative and unsafe’ dahil ito ay nagresulta sa temporary blindness ng ilang crew members.
Pinatunayan ng US ang tahasang pagkampi sa Pilipinas bilang kaalyado sa harap ng panibagong insidente na kinasasangkutan na naman ng bansang China na ilang panahon na ring pinagpapasensyahan ng mga Pinoy.
Dalawang ulit na tinutukan ng laser light ang mas maliit na barko ng PCG at nagsagawa pa umano ang barko ng CCG ng mapanganib na maniobra na halos 15 yarda lamang ang layo sa kanila.
Ayon sa Estados Unidos, ang aksyon ng CCG na isang mapanganib na operational behavior na direktang nagbabanta sa kapayapaan ng istabilidad ng rehiyon at lumabag sa ‘freedom of navigation’ sa South China Sea.
Ilang araw bago naganap ang insidente, nagkasundo ang Estados Unidos at Pilipinas na ipagpatuloy ang joint patrols sa karagatan at nagkasundo rin na bibigyan ng espasyo para makapagtayo ng etablisimyento ang US Armed Forces sa apat na base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ang masaklap, sinisisi pa ng China ang Pilipinas kung bakit nila tinutukan ng laser light ang BRP Malapascua ng PCG dahil ayon sa pahayag ni Chinese Ministry of Foreign Affairs Spokesperson Wang Wenbin, ang Pilipinas ang unang nanghimasok sa teritoryo ng China.
Buong giting nilang sinasabi na bahagi umano ng kanilang teritoryo sa Spratly Island ang Second Thomas Shoal kung saan naroon ang PCG, kaya naobliga silang gawin ang nararapat para paalalahanan ang barko ng Pinoy.
Mahinay pang ipinaliwanag ng kanilang tagapagsalita na nakasalig umano sa Domestic Law ng kanilang bansa, gayundin sa International Law kabilang na sa United Nations Convention on the Law and the Sea (UNCLOS) na pnagpoprotekta sa soberenya at maritime order ng China.
Sinabi pa ni Wenbin na umaasa umano ang kanilang bansa na irerespeto at igagalang ng Pilipinas ang kanilang territorial sovereignty at maritime right sa West Philippine Sea.
Hindi pa nakuntento sa paliwanag ang kanilang tagapagsalita dahil nagbigay pa ng babala ang China na sana ay iwasan ng Pilipinas na gumawa ng kahit anong hakbang na posibleng makapagpalala sa kasalukuyang sitwasyon.
Lalo na umano sa mga pinagtatalunang lugar kung saan nasa gitna pa ng pag-uusap ang China at Pilipinas sa pamamagitan ng mga diplomatic channels.
Pero kung si National Defense Secretary Carliot Galvez Jr. ang tatanungin, tahasan niyang sinasabi na ang ginawa ng China ay lubhang nakakagalit at ang pakiramdam na ito ay tumagos sa pakiramdam ng kaliit-liitang Pilipino.
Nagbigay din ng bukod na pahayag si Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Medel Aguilar na dapat ay pigilan na ng Chinese Government ang kanilang puwersa na gumawa ng mga opensibang hakbang sa gitna ng karagatan.
Ito ay upang maiwasan umano at hindi na maulit pa ang ginagawang provocative o tila mapaghamong kilos ng China na posibleng humantong sa hindi pagkakaintindihan na maglalagay sa panganib ng buhay ng ibang tao.
Kung paniniwalaan natin ang pahayag ng ating mga coast guard, pinaninindigan nilang dalawang ulit silang sinilaw ng mga Tsino at hindi pa nakuntento ay binuntutan pa umano ang kanilang barko na habang nangyayari ito ay hindi nila maipaliwanag ang tensyong nararamdaman.
Tulad ng dati, may nakahandang paliwanag ang Tsino na sa pangyayaring ito ay tila mas sila pa ang naagrabyado dahil nanghimasok tayo sa kanilang teritoryo.
Pero ang mahalaga ay alam natin sa ating kasaysayan, dokumento, puso at damdamin na atin ang Ayungin Shoal.
Natural lang naman na nakapanig tayo sa paliwanag ng ating mga kababayan at sa pagbibigay ng pahayag ng Estados Unidos na kumikiling sa ating mga coast guard ay may ibang panig na nagpapatunay na biktima na naman tayo ng pambu-bully.
Tulad ng karaniwan nating ginagawa, hinahabaan natin ang ating pasensya para walang gulo, pero hanggang kailan ba tayo dapat magpasensya?
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments