ni Ryan Sison @Boses | Nov. 25, 2024
Matapos ang anim na magkakasunod na tropical cyclone na tumama sa ating bansa, posible ang pagtaas ng mga kaso ng dengue gayundin ng leptospirosis.
Ito ang naging babala ng Department of Health (DOH), kung saan maaaring mas dumami ang mga breeding area ng lamok na nagdadala ng dengue virus.
Kaya naman pinaalalahanan ng kagawaran ang publiko na alisin ang mga stagnant water sa kanilang lugar dahil sa ganito namumugad ang mga lamok na posibleng may dalang dengue habang kumonsulta nang maaga sa mga doktor o healthcare workers sakaling makaranas sila ng sintomas ng nasabing sakit, partikular na sa mga rehiyong apektado ng Bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel, at Pepito.
Sinabi ng DOH na may 17,033 kaso ng dengue ang naitala mula October 20 hanggang November 2 na mas mababa ng 17 porsyento kumpara sa 20,498 cases mula October 6 hanggang 19, 2024. Gayundin anang kagawaran, walang report na pagtaas ng mga bagong kaso ng dengue sa mga nabanggit na rehiyon sa nakalipas na anim na linggo.
Subalit, tinitingnan din ng DOH ang mga datos kaugnay ng epekto ng bagyo na maaaring hindi pa naitatala sa ngayon.
Ayon sa DOH chief, tumaas talaga ang mga kaso ng dengue sa ating bansa kaya may ilang mga lokal na pamahalaan na nagdedeklara na ng outbreaks at sinusuportahan naman nila ito dahil sa ipinapakita ng mga datos. Mayroong 340,860 dengue cases na naitala mula sa simula ng 2024 hanggang November 16, mas mataas ng 81 porsyento kumpara sa 188,574 kaso na naiulat sa parehong panahon noong 2023.
Sa mga kaso naman ng leptospirosis ay naitala sa northern regions matapos ang isang linggo o higit pang mga pagbaha, kung saan naghahanda na rin ang DOH para sa karagdagang dialysis units partikular na sa mga apektadong lugar. Payo ng kagawaran sa mga lumusong sa baha, na kung magsimulang makaranas ng mga sintomas ng leptos gaya ng lagnat at muscle pain, agad na magpakonsulta sa doktor.
Dapat na sigurong simulan nating lahat ang paglilinis ng ating mga kabahayan at kapaligiran para na rin sa ating kalusugan.
Huwag nating hayaan na mamahay o pamugaran ng mga lamok ang mga daluyan ng ating tubig o mga lalagyan ng tubig gaya ng drum, container at iba pa, kung saan kailangan na panatilihin nating bago at malinis ang mga ito araw-araw.
Gayundin, dapat na mag-request na tayo ngayon sa ating mga barangay official na magkaroon ng fogging sa ating mga lugar upang tuluyan nang mamatay ang mga pesteng lamok na ito may dala man ng dengue o wala.
At para sa mga hindi naiwasang lumusong sa baha ay agad na maligo at maglinis ng katawan, at gawing buhusan ng alcohol ang ating mga paa upang kahit paano ay hindi tumalab o kumapit sa atin ang anumang impeksyon na dulot ng maruming tubig-baha.
Lagi nating alalahanin na mahalagang alagaan ang ating katawan at kalusugan dahil walang ibang gagawa nito kundi tayo rin lang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments