top of page
Search

Pinalabas na nagnakaw sa grocery… MON, IDEDEMANDA ANG CONTENT CREATOR NA NAG-JOKE SA KANYA SA SOCMED

BULGAR

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 10, 2024


Showbiz news
Photo: Mon Confiado / FB

Halos iisa ang komento ng mga taga-industriyang nakakakilala sa premyadong aktor na si Mon Confiado — napakabait na tao at kahit isang beses ay walang nabalitaang naging pasaway ito sa trabaho.


Kaya naman nang mag-viral ang post ng iresponsableng content creator na ang pangalan ay Ileiad na sinabi pang ‘joke’ nang sitahin siya ni Mon, pero hindi naman niya inalis ito sa kanyang Facebook (FB) page at marami nang shares, nabahala ang mga kaibigan ng aktor.


Ini-repost ni Mon ang post nitong si Ileiad na nagsabing sinigawan ng aktor ang kahera ng isang grocery store.


Pahayag ni Mon, “Ayoko na sana patulan ‘tong certain Ileiad na ‘to, pero tama pa ba ang ginagawa ng mga content creator na ‘to?


“Gumawa ng story using my name and my photo na-meet daw n’ya ako sa grocery at magpapa-picture daw s’ya, pero dinuro-duro ko raw s’ya sa mukha at nakita n’ya na hindi ko binayaran ang 15 Milky Way Choco Bars na kinuha ko at pinagsisigawan ko daw ang cashier ng grocery.


“Pinalabas pa nito na magnanakaw ako nu’ng sinita ko. Joke daw ito at ito ay “Copypaste” at biglang nilagyan ng “disclaimer ang post n’ya pero huli na.


“Pero hindi pa rin inaalis ang post n’ya. Joke at my expense? Joke pero nakakasira ng tao? Bakit ka magjo-joke sa 'kin? Close ba tayo? Parang sobra na ‘tong mga ito at para makakuha lang ng mga likes kahit makasagasa sila ng tao, tapos sasabihin “joke”.” 


Nakikini-kinita naming gigil si Mon habang isinusulat ito.


Dagdag pa niya, “Ang daming nag-message sa ‘kin at tinatanong kung totoo ba ‘to? Of course, sabi ko ‘di ‘yan totoo, never happened. At hindi ako ganu’ng tao.  


“May pagka-mayabang pa itong Ileiad na ‘to, nu’ng sinabi kong idedemanda ko s’ya dahil ayaw pa n’ya tanggalin ang post n’ya. Threat daw ba ito? Grabe itong taong ‘to!”


Ini-repost din ng aktor ang palitan nila ng usapan nitong si Ileiad sa FB Messenger.


Sabi ng content creator na nagpapansin, “My apologies. It’s not my intention to tarnish your image in any way. Like what they said in the comments, it’s a joke although I do agree with you that not everyone will understand it.”


Sagot kaagad ni Mon, “Joke? At my expense? Bakit mo ako sisirain at idadamay sa joke mo? Bakit hindi mo i-joke ang pamilya mo? Bakit ako? Ano ang nakakatawa sa joke mo? Sinira mo ang name ko? Now meron ka ng disclaimer? 


“And look how bastos you are. Nakita mo na ang effect ng ginawa mo at naka-offend ka ng tao pero ‘di mo pa rin inaalis ang post mo! Do you even realize what kind of person you are and what attitude you have? Then you will say it’s a joke kahit makasira ka ng tao.


“Anyway, wait mo na lang legal actions. Madali ka lang i-trace I mean it. And this is not a JOKE!”


Sagot ni Ileiad, “Trace? Is this a threat?”


Oh, ‘di ba, matapang pa? Halatang pino-provoke nitong content creator na ito si Mon para kapag sumagot ay may pang-post siya ulit.


Tsinek namin ang account nitong si Ileiad at hindi na namin mahanap, na mabuti na lang at nai-screenshot ni Mon Confiado ang isinulat nito sa FB account niya, kaya may pruweba ito 'pag nagsampa ng kaso ang aktor.











Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page