ni Thea Janica Teh | December 7, 2020
Nakapagtala ng 98% recovery rate sa COVID-19 ang Taguig City ngayong Lunes ayon sa city government.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Taguig, nasa 98.44% na ang recovery rate sa kanilang lugar. Ito ay mas mataas pa sa recovery rate ng buong National Capital Region (NCR) sa 95.19%.
Simula noong Marso ngayong taon, nakapagtala ng kabuuang 9,749 kaso ng COVID-19 sa Taguig. Mula rito, 9,597 na ang gumaling, 107 ang namatay at tanging 45 na lamang ang aktibo.
Ibinahagi ni Mayor Lino Cayetano na ang aktibong kaso ng virus sa kanilang lugar ay isa sa pinakamababang bilang sa buong Metro Manila bukod sa Malabon at Pateros na mayroon na lamang 34 aktibong kaso.
Kaya naman pinaalalahanan ni Cayetano ang mga residente sa kanilang lugar na ipagpatuloy lamang ang pagsunod sa mga health protocols upang mapanatili ang mababang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Comments