ni Gerard Peter - @Sports | May 12, 2021
Mas matitinding mga parusa ang nakatakdang kaharapin ng bawat manlalaro, coaches at ilan pang miyembro ng isang koponan ng Philippine Basketball Association (PBA) kung sakaling labagin ng mga ito ang health and safety protocols na ipatutupad ng Inter Agency Task Force sa pagsisimula ng closed-circuit practice sessions.
Nagbabala si PBA commissioner Willie Marcial na mas malaki pa sa mga multang ipinalabas noong nakalipas na ‘PBA bubble’ sa Clark sa Pampanga, maging ang mga suspensiyong nakaatang sakaling labagin ang mga kautusan at panuntunan ng pamahalaan at liga.
Tiyak umanong hihigit pa sa P100,000 at 10 araw ang matitikmang suspensiyon sa mga susuway sa training protocols, kung saan gagawin ang mga pagsasanay sa Batangas City na may Batangas Coliseum, Lyceum of the Philippines University-Batangas at Batangas State University, na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ). “Panigurado mas malaki pa dun sa penalties na ibinigay natin sa Clark bubble. Hindi naman nalalayo yung figures doon at pwede ring ma-suspend ng 10 days, kase nga gusto natin na maging successful yung bubble,” wika ni Marcial sa ginawang press briefing noong isang linggo.
Muli niyang ipinapaalala na ginagawa ang naturang kautusan para sa kapakanan ng lahat ng mga manlalaro, coaches, staff, personnel at mga pami-pamilya ng bawat isa. “Ginagawa lang naman ito para din sa lahat ng players at kapwa team mates nila, kasama sa team at bawat pamilya ng isa’t isa. Sana lang maintindihan nila,” saad ni Marcial.
Mahigpit na ipatutupad ng PBA ang closed-circuit set up, kung saan papayagang makauwi ang bawat manlalaro, ngunit kinakailangang diretso lang ito sa bahay, gayundin pagbalik ng practice venue lamang. "Mayroon tayong gagamiting app na magmo-monitor sa mga players kung nasaan sila. Honesty lang talaga. Oras na malaman namin na hindi nila ni-log o may pinuntahan sila, nahuli namin, may pruweba kami na nilabag nila ‘yung protocols natin, suspension, fine o both ang ibibigay natin,” paliwanag ni Marcial.
留言