top of page
Search
BULGAR

Pinakamabisang panahon sa paghahanap at pagpapalakas ng agimat

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 11, 2022


Bukod sa Pasko o paggunita sa kapanganakan ng ating Panginoong Hesus, isa sa pinakamahalagang ginugunita ang Mahal na Araw o Semana Santa ng mga kaanib ng Simbahang Katolika na nasa 80 porsyento ng ating populasyon.


Sinimulan ang Semana Santa kahapon na tinatawag na Palaspas o Palm Sunday at magtatapos naman sa susunod na Linggo na Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday kung saan ay punung-puno ng napakaraming aktibidades at ritwal na impluwensiya ng mga Kastila na siyang nagdala ng Katolisismo sa bansa.


Kabilang na r'yan ang kabi-kabilang prusisyon, mga panata, penitensiya, pagpapapako sa krus ng ilan nating kababayan, na ilan sa nakagawian ng ilang mananampalataya ay mariing tinututulan ng Simbahan ngunit tila mas umiiral na ang tradisyon at personal na desisyon pagdating sa paggunita ng Mahal na Araw.


Karaniwan ay marami na sa ating mga kababayan ang pagsapit ng Lunes hanggang Miyerkules Santo ay nagkukumahog na, na tapusin ang kani-kanilang gawain at ang iba ay nagsisimula na ring bumiyahe patungo sa kani-kanilang lalawigan.


Pagsapit ng Easter Triduum o ang Huwebes Santo hanggang Black Saturday ay ikinukonsidera itong statutory holidays dahil sa panahong ito ay halos sarado ang mga establisimyento at iba pang negosyo o nagsasara nang mas maaga kumpara sa nakagawiang oras.


Karaniwan ay off the air ang mga istasyon ng telebisyon at radyo, na ang iba naman na nananatili sa ere ay ipinapalabas ang mga feature Lenten drama specials at iba pang religious activities na may kinalaman sa paggunita ng Mahal na Araw.


Naaalala ko pa noong bata pa ako, halos wala ka talagang mapapanood sa telebisyon at wala ring radyo na nagpu-programa, maging ang mga lansangan ay wala talagang dumaraang sasakyan dahil sa halos lahat ay ginugunita ang Semana Santa.


Ngunit dahil sa paglipas ng panahon at nagsulputan na ang iba’t ibang klase ng pananampalataya, na karaniwan ay nagmamay-ari na rin ng mga istasyon sa telebisyon ang ilan sa mga ito kaya may ipinalalabas ng programa, hindi pa kabilang ang Netflix , YouTube at international cable channels na hindi nagpapahinga.


Ang Itim na Nazareno na iniingatan ng Quiapo Church ay pangunahing inaabangan ng mga deboto na inilalabas tuwing Biyernes Santo upang iprusisyon dahil sa paniniwalang milagroso ito lalo na sa mga nakahawak at nagbuhat sa panahon ng prusisyon.


Tradisyon na ring maituturing ang nakaugaliang gawin ng ilan sa ating mga kababayan na nagtataglay ng agimat na palakasin pa ang kapangyarihan nito sa araw mismo ng Biyernes Santo at ito rin umano ang pinakamabisang panahon ng paghahanap ng agimat.


Ito rin ang dahilan kaya dinadagsa ang Mt. Banahaw sa pagitan ng boundary ng Laguna at Quezon province tuwing Biyernes Santo dahil sa maraming may agimat ang umaakyat dito para dasalan, mapanatili at palakasin pa ang kanilang agimat at ang iba naman ay nagbabakasakaling magkaroon ng agimat.


Sa Tondo, Manila, isa sa nakaugalian tuwing Biyernes Santo ang magsagawa ng prusisyon ang iba’t ibang parokya at ang lahat ng mga kababayan nating sumama sa prusisyon ay pinakakain ng ginatan at suman ng mga residente malapit sa simbahan.


May mga nagbibigay din ng tubig o iba pang inumin para sa mga kumakain na lalong nagbibigay ng kulay sa paggunita ng Biyernes Santo na isa rin sa dahilan kung bakit marami sa naturang lugar ang sumasama sa prusisyon.


Nagsasagawa naman ng prusisyon sa Paete, Laguna kung saan 53 imahe ni Hesus na may kaugnayan sa kanyang pagkamatay at pagkabuhay ang iniikot sa buong lugar at isinasagawa nila ang iba’t ibang kaganapan sa pagpasan ng krus kabilang na ang pagpapahid ni Veronica na nag-iwan ng bakat ng mukha ni Hesus sa ginamit na pamunas.


Nagsasagawa rin ng ‘Senakulo’ gamit ang sinaunang tradisyunal na script ang Cultural Center of the Philippines na nilalahukan ng mga naglalakihang artista sa teatro at may ilang grupo rin na isinasagawa ito sa Fort Santiago Amphitheater, sa Mexico, Pampanga at Dinalupihan, Bataan.


Dinarayo rin ang Moriones Festival sa Lalawigan ng Marinduque na isinasadula ang kuwento ng Roman centurion na nabagbag ang damdamin sa mismong paanan ni Hesus habang siya ay nakapako sa krus na ginagampanan ng mga residente na nakasuot ng naggagandahang maskara at damit bilang paggunita sa Mahal na Araw.


Napakarami pang mga paggunita sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngunit higit na mahalaga ang kahit sa loob ng linggong ito ay balikan natin sandali ang mga bagay-bagay sa ating buhay upang mapagnilay-nilay natin kung hindi ba tayo nalalayo sa Panginoon sa lahat ng ating ginagawa at mga desisyon sa araw-araw nating pamumuhay.


Panahon ito na puwedeng magsisi at kasunod ay puwedeng magbago.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page