ni Gerard Peter - @Sports | January 8, 2021
Sakaling magdesisyong tuluyang magpa-draft ang karamihan sa mga bigating pangalan sa amateur, semi-professional at 3x3 league players, makokonsiderang isa sa pinakamalalim na pagpipiliang manlalaro ang darating na 2021 PBA Rookie Draft na magsisimula sa Marso 14.
Nakikinita ni PBA commissioner Willie Marcial na aabot mula 3rd hanggang 4th rounds ang mga pagpipiliang manlalaro ng 12 teams sa nasabing 2021 batch of Rookies dahil sa rami ng mga nagparamdam at interesadong pumasok sa 46th season annual draft.
“Kung tama yung nasa isip ko…kung totoo yung sinasabi nila na sasali sila, malalim po ito. Madami kung papasok ang lahat,” pahayag ni Marcial, Huwebes ng umaga sa unang sesyon ng TOPS: Usapang Sports sa 2021 matapos ang holiday break. “Sa pananaw ko aabutin ng 3rd to 4th round.ang draft picks,” dagdag ni Marcial.
Ilan sa mga pinaka-aabangang papasok ay sina Filipino-American at dating ABL stalwart Joshua Munzon, La Salle forward Jamie Malonzo, NU Troy Rike, Cebuano Santi Santillan ng La Salle, Letran big man Larry Muyang, center James Laput, Fil-Am guard Franky Johnson, UE star Alvin Pasaol, ABL Fil-Am guard Jason Brickman, ALAB swingman Jeremiah Gray, ALAB Pilipinas forward Brandon Ganuelas-Rosser, DLSU point guard Aljun Melecio, Adamson’s Jerrick Ahanmisi, San Beda Red Lions center Ben Adamos, Andre Paras at marami pang iba.
Maikukumpara ‘di umano ang 2021 batch sa talentadong 1989 class of rookies na binuo ng mga PBA Hall of Fame, MVPs, PBA champions, crowd favorites at mga clutch performers na pinamumunuan ng nag-iisang Rookie-MVP na si “The Tower of Power” Benjie Paras, Nelson “The Bull” Asaytono, Zaldy Realubit, “Mr. Excitement” Paul Alvarez, Romy dela Rosa, Bobby Jose, Dindo Pumaren, Elmer Cabahug, Ato Agustin, Calvin Tuadles, Ric-Ric Marata, Peter Aguilar, Nani Demegillo at iba pa.
“Sa ngayon hindi pa naman natin makikita kung talagang ito yung best draftee ever, pero malalim ito, malalim yung 1989 draft, pero madami kung papasok ang lahat,” saad ni Marcial.
Ipinaliwanag naman ng 59-anyos na ika-10th commissioner ng liga na magiging patas pa rin sila sa pagtanggap ng mga aplikasyon ng mga Fil-Foreigners gaya ng mga naunang nagpasa noong aplikante, na kinakailangang makapagpasa pa rin ang mga ito ng mga imporatanteng requirements gaya ng Bureau of Immigration (BI) certificate of recognition at Department of Justice (DOJ) affirmation. “Kung ano yung hinihingi ng liga noon 7 years ago ang BI, DOJ confirmation, kailangan po talaga iyon. Hanggang hindi nababago o pinapalitan ang ruling na iyan, talagang kailangan po namin yan. Magiging unfair naman talaga tayo sa mga dating kumuha,” wika ni Marcial.
Comments