ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | March 6, 2023
Nakakagalit na talaga ang sunud-sunod na bayolenteng pag-atake sa ating mga halal na opisyal, kung saan dalawa ang kinitil ang buhay at ang dalawa pa ay mapalad na nakaligtas sa tangka ring pagpatay. Mas nakakagalit pa dahil ang atakeng ito ay hindi lamang laban sa mga biktima kundi mismo sa ating demokrasya, sapagkat ang target ay mga pinagkatiwalaan ng taumbayan kaya iniluklok sa kani-kanilang tungkulin.
Tahasan nating kinukondena ang tangkang pagpaslang kay Lanao Del Sur Governor Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr. na ikinasawi ng apat nitong kasamahan at kay Maguindanao Mayor Ohto Caumbo Montawal na parehong nasa ligtas nang kalagayan.
Nakakalungkot na hindi nakaligtas sina Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda kasama ang kanyang limang aides at Negros Oriental Governor Roel Degamo kasama ang lima rin niyang tauhan na kinokondena rin natin ang karuwagang ito ng mga salarin na daig pa ang hayop sa pambabalasubas ng ating batas.
Ang hirap isipin na ang mga taong naglilingkod at nagsusumikap para sa kapakanan ng bayan ay siya pang magiging biktima ng karumal-dumal na krimen dahil hindi natin aakalain na mangyayari ito sa sibilisadong lipunan, kaya panahon na para tuldukan ang mga ganitong pangyayari.
Hindi naman tayo nawawalan ng pag-asa sa kakayahan ng ating pulisya dahil tatlong suspek sa pagpaslang kay Gov. Degamo ang agad na nasakote sa Sitio Punong, Bgy. Cansumalig, Bayawan.
Kaya lang, dapat siguraduhin na ang mga tunay na may-sala ang mga mahuhuli at mapaparusahan, lalo na ang mismong nasa likod ng pamamaslang na tila ba nagdi-diyos-diyosan ang mga halang ang kaluluwang ito.
Dapat na mas paigtingin pa ng PNP ang proteksyong ibinibigay nila sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil tila sunud-sunod na ang nagaganap na krimen at tila pinaglalaruan na lamang ng mga kriminal ang kakayahan ng pulisya.
Bandang alas-4:00 ng hapon noong Pebrero 17, tinambangan ang convoy nina Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr., na nagtamo ng tama ng baril, kabilang ang kanyang staff at ikinasawi ng apat pa nilang kasama habang binabaybay ang kahabaan ng Kalilangan, Bukidnon.
Mabuti at mabilis na naisugod sa pagamutan si Gov. Adiong at isa sa kanyang staff na idineklara namang ligtas sa tiyak na kamatayan matapos ang walang takot na pananambang sa gitna ng maliwanag pang kapaligiran.
Ilang araw lang ang nagdaan, Pebrero 19 ng umaga ay in-ambush din si Vice Mayor Alameda at ang lima niyang kasama, lulan ng itim na Hyundai Starex sa kahabaan ng National Highway ng Baretbet, Bagabag, Nueva Viscaya.
Pinaulanan ng bala ang mga biktima na lahat ay nasawi sa gitna ng tindi ng sikat ng araw dahil ganap na alas-8:45 ng umaga naganap ang pananambang at ang mga salarin ay nakasuot ng pixelated military uniform na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.
Ang isa pa sa nakakalungkot, pinatotohanan ni Cagayan Governor Manuel Mamba na respetado, mahusay na pulitiko, tapat sa tungkulin at nakikitang may magandang kinabukasan sa pulitika kung hindi sana napaslang si Vice Mayor Alameda.
Pebrero 22 ng gabi, inabangan at pinagbabaril naman ang mayor ng Datu Montawal sa Maguindanao sa kahabaan ng Roxas Blvd., Pasay City habang binabaybay nila ang daan patungo sa Gil Puyat Avenue sa gitna ng napakaraming tao at sasakyan.
Nagtamo ng tama ng baril si Mayor Ohto Caumbo Montawal sa kaliwang bahagi ng katawan at braso at mapalad na nadala agad sa Ospital ng Maynila at ngayon ay nasa ligtas na kalagayan.
Hindi pa matukoy kung lulan ng motorsiklo ang dalawang salarin na armado ng baril, ngunit naglakad lamang umano ang mga ito papalapit sa van na sinasakyan ni Mayor Montawal bago nagsimulang mamaril at mabilis na tumakas.
Samantala, hindi pa tayo nakakausad sa pangyayaring ito at pinatay din si Negros Oriental Governor Roel Ragay Degamo at lima pa nitong kasamahan nang paulanan ng bala sa loob mismo ng kanilang family compound, bandang alas-9:40 ng umaga nitong Marso 4 lamang.
Kasalukuyan umanong kausap ni Gov. Degamo ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanilang lugar nang biglang ratratin ng mga salaring bumaba sa tatlong SUV na armado ng matataas na kalibre ng baril, nakasuot ng military uniform at bullet-proof vests.
May nakuha ring impormasyon na ang suot na pixelated military uniform ng mga umatake kay Gov. Degamo ay parehong-pareho sa suot ng mga umatake rin kay Vice Mayor Alameda.
Nasa gitna ng pagtupad ng tungkulin si Gov. Degamo dahil nagsasagawa ito ng serbisyo publiko nang sumalakay sa kasagsagan ng sikat ng araw ang mga walang takot na salarin na walang habas na namaril at hindi alintana na may mga sibilyang nadamay.
Nakakaalarma ang sunud-sunod na pagpatay at matindi ang epekto nito sa taumbayan na tila nawalan na ng tiwala sa kanilang kaligtasan sa araw-araw dahil kung ang mga halal na opisyal na may mga bodyguard ay nagagawa nilang paslangin, paano pa kaya ang ordinaryong sibilyan?
Sabi nga ng ilan sa ating mga nakausap, hindi na lamang ito sampal kundi harap-harapang pagdura sa mukha ng PNP. Hindi na ito matatawag na nagkataong krimen lamang dahil sunud-sunod na at sa napakaliwanag na pagkakataon pa isinasagawa ng mga salarin ang krimen.
Kumbaga, harap-harapan nang hinahamon ang kakayahan ng PNP na tila pinaglalaruan na lamang ang kakayahan ng ating pulisya, na ang tanging pag-asa ngayon ay maresolba ang mga pagpatay at tangkang pagpatay sa mga halal na opisyal ng bayan.
Dapat ay tugisin, panagutin at turuan ng leksyong kailanma’y hindi nila malilimutan.
Hasain ang pangil ng batas upang sagpangin ang mga kampon ng kasamaan na ‘yan.
Hindi na tao ang mga gumagawa ng kahayupang ito kundi mga demonyo na dahil pati ang mga walang kalaban-laban ay dinadamay.
Huwag tayong maghintay sa krimen, dapat ay nakahanda ang PNP sa pagdating ng mga ito. ‘Yung minsang nalusutan ang pulisya ng mga kriminal ay posibleng maintindihan ng publiko, ngunit ang sunud-sunod at tila hinihiya na ang kanilang tanggapan ay ibang usapan na.
Dapat sigurong may gumulong na ulo sa hanay ng PNP sa mga pangyayaring ito. Kung hindi kaya ang trabaho ay dapat nang humanap ng may kakayahan para hindi na maulit ang kasuklam-suklam at karumal-dumal na pangyayaring ito. Enough is enough!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments