ni Ambet Nabus @Let's See | Oct. 31, 2024
Photo: Rita Daniela at Archie Alemania / Instagram
Sinampahan ng kasong acts of lasciviousness ni Kapuso star Rita Daniela ang kapwa taga-Kapuso na si Archie Alemania.
Sa isang sala sa Bacoor City, tinuluyan ni Rita si Archie dahil nagkakaroon na nga raw siya ng anxiety at mga gabing halos hindi na siya nakakatulog nang maayos.
Naganap ang sinasabing insidente noong may kapwa sila dinaluhang thanksgiving party last September pa this year.
Habang naghihintay umano si Rita sa kanyang Grab (car) ride pauwi ng bahay, huminto ang white van ni Archie at nagprisinta itong ihatid siya.
Tumanggi raw nu’ng una si Rita, pero dahil sa pangungulit ng aktor at sa pag-aakalang bumaba na ang kalasingan nito, pumayag na rin si Rita.
Pero habang nasa loob na nga raw ng sasakyan ay doon na nangyari ang mga panghihipo at paghawak ni Archie sa balikat, likod at ibang parte ng katawan ni Rita habang panay ang saway at awat nitong tumigil ang aktor.
Nu'ng finally daw ay makarating sa kanilang bahay si Rita, pinilit pa siyang yakapin at hagkan ni Archie kahit na panay ang saway at pagpigil niya rito at pagbigay ng babala na kilala niya ang asawa nito.
“That being a public figure, a contractual artist with reputation to protect, it is very difficult for me to file the instant case, but the trauma I was and am experiencing brought about by the incident gave me courage to face the consequences and file the instant case against the respondent,” pahayag ni Rita.
Nag-sorry naman daw sa pamamagitan ng text message si Archie Alemania at inamin nitong lasing lang siya kaya niya nagawa ang ganu’n.
Pero eto nga, may kakaharapin siyang kaso.
TONDO NA BALWARTE NI ISKO, PINASOK NA NI SV
Napadaan kami nang hindi inaasahan sa Varona Street sa Tondo, Manila kung saan matatagpuan ang dinadayong Ugbo (isang mahabang kalsada na may mga sari-saring tindang pagkain at inumin).
Ito 'yung parang ‘banchetto style’ na kainan na ipinagmamalaki ng mga taga-Tondo na inayudahan at sinuportahan ni Yorme Isko Moreno noong panahon ng pandemic.
Ayon sa mga nakausap namin, talaga namang nabuhay sila ng Ugbo at ngayon ay inaasahan na nila ito bilang kanila nang hanapbuhay at malaki ang pasasalamat nila kay Yorme Isko.
Dinarayo talaga ang lugar dahil sa malinis, safe, at masasarap nilang pagkain. In fact, ‘yung mga nakasabay naming naglalakad sa buong stretch ng Varona St. to look for food or venue na makakainan ay aakalain mong mga taga-BGC o mga taga-exclusive villages. Patawad sa aming expression na gagamitin, “mga yayamanin sila at may mga foreigners pa.”
Malayo sa nakasanayan nating ‘mukha’ ng isang taga-Tondo. Minsan na rin itong ipinagsigawan ni Meme Vice Ganda at marahil ay dinayo na niya.
One thing though na nakakuha ng aming atensiyon ay ang mga nakapaskil na Sam
Verzosa tarpaulin sa ilang sidecar at mga kainan doon.
Pagpapatunay kung gaano ka-open ang lugar sa soon-to-be ay magiging labanan sa pagka-mayor nina Yorme Isko at Sam o SV.
Kulong sa pagpatay sa BFF…
JOHN WAYNE, ITINURING NA ANAK NI VILMA
GULAT na gulat naman ang malalapit na mga Vilmanians sa balitang lumabas hinggil kay John Wayne Sace.
Hinuli kasi ito just recently dahil itinurong posibleng “killer” ng kanyang kaibigan na nasawi sa pamamaril kamakailan.
Usapin sa drugs ang sinasabing dahilan ng krimen at dahil may namatay at nagturo sa dating aktor bilang pangunahing suspect, may malaking pagdaraanang legal process si John Wayne.
Ang mga kapwa Vilmanians ang nagbalita sa amin lalo na ‘yung mga naging ka-close pala ng aktor noong mga panahong ginagawa nito ang Dekada ‘70 movie with Vilma Santos-Recto.
Naging baby daw nila ito dahil sa movie ay ito rin ang gumanap na bunsong anak nina Ate Vi at Boyet de Leon, kasama nga sina Papa Piolo Pascual, Carlos Agassi, Marvin Agustin at Danilo Barrios.
“Magalang, very sweet at promising ‘yan noon. Mukhang napunta nga sa maling landas at barkada, kaya’t 'yung showbiz career niyang maganda sana ay nawalan ng saysay. Mahal ‘yan ni Ate Vi dahil masunurin nga at naging anak nga niya sa turing,” kuwento ng mga Vilmanians.
Ipinagdarasal nga nilang matulungan at malampasan ng ngayo’y mid-30s nang aktor ang problema niya sa ngayon.
Comments