top of page
Search

Pinagbayad pero 'di pinagmartsa ng UM — Sen. Tulfo.. 140 grad studes, ibinagsak, binantaan pa

BULGAR

ni Mylene Alfonso @News | July 27, 2023




Pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang University of Manila (UM) dahil sa mga umano'y iregularidad na nangyari sa 140 civil engineering student na matapos pagbayarin ng graduation fee ay sinabihan na hindi makaka-graduate dahil bagsak sa apat na subjects.


Nagreklamo sa ‘Wanted Sa Radyo’ ang mga estudyante na binagsak nang wala umanong dahilan ng kanilang propesor sa UM.


Nabatid ni Tulfo na pare-parehong 70 ang failing grade na nakuha ng mga nasabing mag-aaral. Matapos silang ibagsak, nagbitiw ang propesor na may hawak ng apat na subjects kung saan sila nakakuha ng failing mark.


Sa paghaharap ng mga estudyante at ng mga opisyal ng UM at Commission on Higher Education (CHED) noong Lunes, Hulyo 25, sinabi ni Tulfo na napuna ng kanyang staff na malinaw na may ginawang malaking kapalpakan ang UM laban sa mga nagrereklamong estudyante.


Sa obserbasyon naman ni Atty. Spocky Farolan, abogado ng CHED na kasama sa pagdinig, ay na-estafa umano ang mga estudyante rito.


Para sa Senador, unfair ang naranasan ng mga civil engineering student kung saan ang katanungan sa test paper ay walang tamang sagot at nakadepende lamang sa kapritso ng gumawa ng tanong.


Kabilang sa tatlong tanong ang: “What is your subject?”, “Define and explain why this subject is important in your course,” at “Give at least three practical examples on its importance”.


"Kaya pala minali ang sagot ng mga estudyante at pare-pareho silang nakakuha ng 70 failing grade dahil kahit ano pang isagot nila rito ay ang presidente pa rin ng eskwelahan ang masusunod sa gusto niya," ayon pa kay Tulfo.


Kaya agad na naghain ng Senate Resolution in aid of legislation ang Senador para magkaroon ng malalimang imbestigasyon ukol dito.


Ipatatawag sa Senado ang presidente at mga opisyal ng UM, CHED at mga past and present student na nakaranas ng problema sa mga umano'y baluktot na sistema ng unibersidad.


"Ang tanong, mamamatay ba ang 24 senators at ang mismong Senado na mag-iimbestiga sa problemang ito ng UM tulad ng pasaring ng kanilang presidente?! Abangan!” pagtatapos ni Tulfo.



0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page