top of page
Search
BULGAR

Pinagbawalan ng yumaong ama, pahiwatig na ‘wag ituloy ang balak na puwedeng magpahamak sa nanaginip

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 28 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Annalyn na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na may isa kaming bahay at pinuntahan ko ito? Isang madilim na lugar at ‘yung bahay ay sobrang dilim din. Nakabukas ‘yung gate ng bahay, tapos papasok na ako pero biglang isinara ng papa ko ‘yung gate. Sabi niya, walang papasok doon kahit na sino. Nagtataka ako kung bakit hindi niya ako pinapasok, eh, anak naman niya ako. Umalis ako agad dahil natakot ako, pero sa totoong buhay, patay na ‘yung papa ko. Bakit ganu’n, patay na siya pero napanaginipan ko pa rin siya? Sana ay masagot n’yo ang kahulugan ng panaginip ko. Maraming salamat!


Naghihintay,

Annalyn

Sa iyo, Annalyn,


Ang sabi, “Mother knows best,” tama, ‘di ba? Pero may mga anak na sa totoo lang ay alam din nila na ang kanilang ina ay hindi okey. Kasi may mga nanay na mas matino ang anak, may maganda ang ugali at may alam kung ano ang mabuti at hindi.


Alam mo, ‘yung sinasabing “Mother knows best,” ay sa totoo lang, hindi lang para sa mga ina dahil ang sinasabing “Father knows best” ay totoo rin. Dahil ang simpleng ibig sabihin nito ay hindi tayo ipapahamak ng ating mga magulang.


Madalas, ang sinasabing “knows best” ay ginagamit ng matatanda dahil marami na silang naranasan, pinagdaanan at nilagpasang mga pagsubok sa buhay. Kumbaga, alam na niya kung ano ang puwedeng mangyari sa mga mahal nila sa buhay at kung itutuloy nila ang katigasan ng kanilang ulo, kaya ito rin ay nagsasabing “Elders know best.”


Marami na sa kabataan at iba pa na hindi nakinig sa sinabi ng magulang at nakatatanda, kaya sila ay napahamak, nabigo at nasaktan. Para hindi ka mapabilang sa mga “nabigo, nasaktan, kumain nang kumain at tumaba” o iba pang kahawig na salita, mas mabuting sundin mo ang mensahe ng iyong ama.


Sa panaginip mo, ang ipinagbabawal ni papa mo para sa iyo ay ang tinatawag na “curiosity”, ‘yun bang natutukso ang tao na alamin ang hindi niya alam o maranasan ang hindi pa niya naranasan. Sa kasaysayan ng mundo, “curiosity” ang tunay na may kasalanan kung bakit napalayas sa Paraiso sina Adam at Eve.


Isipin mo, iha, kung hindi natangay ng curiosity sina Adam at Eve, sana tayong lahat ay nabubuhay sa Paraiso. Ikaw, ‘di ba, ang gusto mo kaya ka nagsisikap ay ang magkaroon ka ng magandang buhay?


Hindi na sana tayo mahihirapan pa dahil sa Paraiso ay papasyal-pasyal lang ang tao at ang nararanasan nila ay walang iba kundi ang sobrang masarap na kalagayan. Pero ngayon, ano na ang nangyari? Kailangang maghirap muna ang tao para siya ay kumain. ‘Yung iba nga, hirap na hirap sa katatrabaho, kapos pa rin sa pambili ng pagkain.


Sayang, ‘di ba? Sana ay nabubuhay tayo sa Paraiso.


Curiosity din ang may sala kung bakit sa matandang kuwento tungkol sa “Gamo-gamo at Lampara,” nasunog ang pakpak ng gamo-gamo. Kasi natukso siyang lapitan ang maganda at nakaaakit na liwanag ng lampara, kaya nasunog ang pakpak ng batang gamo-gamo.


Sundin mo ang payo ng iyong panaginip, sabihin mo sa sarili mo na ang curiosity ay hindi magbubunga ng maganda. Kaya kung natutukso ka na alamin ang hindi mo pa alam, mararanasan mo ang hindi mo pa naranasan at tuklasin mo ang mga akala mong magbibigay sa iyo ng kaligayahan, pero naiisip mo ang mga ayaw ng papa mo na mangyari sa iyo, labanan mo ang curiosity.


Paano ba ‘yun? Siguro, ‘yan mismo ang tanong mo. Ang sagot— kapag ang tao ay nahaharap sa puwedeng magpahamak sa kanya, sure na maaalala niya na ang kanyang mga magulang at ilang malalapit at nagmamahal sa kanya na bawal at hindi maganda na gawin niya ang isang nakakatuksong bagay.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page