ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 4, 2021
Inilaglag ni Aivhan Maluto ng Pilipinas ang isang élite cue artist sa katauhan ni Austrian Albin Ouschan sa isang pangangaldag na sumira sa script ng ginaganapna playoff rounds sa Poison VG 10-Ball 2.0 Virtual Tournament.
Susunod na sasagupain ni Maluto sa lalo pang umiigting na bakbakan sa knockout phase ng torneo ang pambato ng Poland na si Mieszko Fortunski. Maliban sa underdog na Pinoy, may tsansa pa rin para sa korona sina Jim Telfer (USA), Mika Immonen (Finland) at Wojtek Szewczyk (Poland).
Hindi binigyan ng tsansang magwagi ng mga eksperto at ng mga miron si Maluto sa duwelo nila ng Austrian dahil bukod sa wala siyang marka sa pandaigdigang entablado ng pagtumbok, malupit na kalaban talaga si Ouschan.
Kumikislap ang kartada ng Austrian kung ikukumpara sa rekord ni Maluto kahit saang anggulo tumingin. Bukod sa pagiging hari ng 2016 World 9-Ball Championships, si Ouschan rin ay bahagi ng tambalang nagbigay sa Austria ng korona ng World Cup of Pool noong 2017 at 2019. China ang biktima ng Austria sa finals noong 2017 habang Pilipinas naman (kinatawan noon nina Carlo Biado at Jeffrey De Luna) ang tumiklop kina Ouschan at Mario He noong 2019.
Si Maluto, konektado sa Powerbreak Billiards Hall ng Abu Dhabi, United Arab Emirates ay pangalawa lang sa Group 4 qualifiers na kinabibilangan nina Czech Republic gem Roman Hybler, Great Britain pride Kelly Fischer at kapwa Pinoy na si Elijah Alvarez. Nakapasok lang siya sa playoff round dahil sa mataas nitong Rack Runs (19) at Ball Runs (218). Si Fisher, isa sa pinakamalupit na babaeng cue artist sa buong mundo, ang nanguna sa grupo (3-0), pumangatlo ang 16-taong-gulang na si Alvarez (1-2) at kulelat si Hybler (0-3).
Nakagawa rin kamakailan ng kaunting ingay sa Predator One Pool 10x4 10-Ball Championships si Maluto matapos magkampeon sa isang qualifying tournament.
Halagang $5,500 ang papremyong salapi na naghihintay sa magiging kampeon habang $3,500 naman ang ibubulsa ng sesegunda sa paligsahang masusubaybayan sa you tube at facebook sa tulong na rin ng "Cue It Up and Billiards Podcast".
Comments