top of page
Search
BULGAR

Pinaalis na street vendors dahil sa clearing ops, back to business

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 23, 2021


Tila wa’ epek ang mga sermon at babala sa mga barangay matapos ang naunang mga road clearing operations sa Metro Manila.


Ang ending, balik sa dating puwesto ang mga sidewalk vendor tulad ng mga nagtitinda ng pagkain, facemask at face shield sa Roxas Boulevard Service Road kung saan magkakatabi na naman ang mga ito.


Sa Barangay 76 naman, ginawang parking area ang isang linya ng kalsada at ginagamit pa ang orange yellow plastic barrier ng MMDA bilang pangharang sa kalsada ng mga nakaparadang sasakyan.


Sa kahabaan naman ng Taft Avenue Extension sa ilalim ng LRT, balik din ang tindahan sa mga bangketa at may mga nakaparada ring pedicab sa kalsada.


Samantala, sa Barangay 145 kung saan nagkaroon pa ng tensiyon ang clearing operations noong nakaraang linggo, balik-operasyon ang mga nagtitinda ng pagkain.


Una nang iginiit ng mga barangay officials sa lungsod na hirap silang panatilihing malinis at maayos ang kanilang lugar dahil idinadahilan umano ng mga vendor ang kanilang kabuhayan.


Hindi maitatangging marami pa ring hirap sa kabuhayan dahil sa pandemya, pero kung tutuusin, kailangan talagang sumunod sa kautusan.


Gayunman, panawagan sa mga lokal na pamahalaan, baka puwedeng hanapan ng malilipatan ang mga apektadong street vendors.


Kaya lang naman pabalik-balik ang mga ito, hindi dahil pasaway sila kundi dahil wala silang choice. Kumbaga, no choice kundi kumapit sa patalim para lang maibsan ang kumakalam na sikmura.


Pero sa kabilang banda, nakadidismaya pa rin dahil ang lalakas nating mag-demand ng maayos at malinis na kalsada, pero wala rin naman tayong ginagawa para makatulong. Ang ending, sayang ang pagsisikap ng nasyonal at lokal na pamahalaan.


Ngunit kung magagawan ng paraan o mabibigyan ng bagong malilipatan ang mga apektadong street vendors, mas malamang na maiiwasan ang pagbalik ng mga ito sa mga nilinis na kalsada.


‘Ika nga, tulungan at disiplina lang para maibalik ang kaayusan at kalinisan ng mga kalsada.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page