ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | May 4, 2022
Humarap sa entertainment press kahapon si Congressman Alfred Vargas at ang kapatid niyang si Konsehal PM Vargas para ipaalam ang nakakabahalang karanasan nila last Monday.
Ang magkapatid ay parehong nanunungkulan sa 5th District ng Quezon City at tumatakbo rin ngayong Halalan 2022. Dahil pangatlong termino na ni Cong. Alfred, he’s running for councilor naman at si PM naman ang tumatakbong congressman.
Ayon sa kuwento ni Konsi PM, last Monday ay nakatanggap siya sa kanilang opisina sa Novaliches ng isang package at nang buksan niya ay naglalaman ito ng dalawang bala — isa para sa kanya at isa ay para sa kanyang Kuya Alfred.
“Kami po ay nababahala sa isang insidente na nagaganap sa amin. Kahapon, eksaktong 1:17 PM, mayroong dumating sa district office, sa Novaliches District Center, isang pakete na naka-address sa akin. Ang laman ng pakete, dalawang bala ng M-16, isa para sa akin, isa para kay Kuya,” pagbabahagi ni Konsi PM.
“Maliwanag na ang intensiyon ng nagpadala ay takutin kami at ang aming pamilya. Sa mahigit isang dekada nating paglilingkod dito sa distrito, ngayon lang po ako nakatanggap ng death threat. Ngayon lang nagkaroon ng ganitong klaseng halalan – marumi, magulo at mapanganib,” patuloy niya.
Pero hindi raw nila hahayaang matinag sila ng ganitong klaseng pangyayari at tuloy na tuloy pa rin ang kanilang laban.
Ibinunyag naman ni Cong. Alfred na apat na beses na silang hinihikayat na umatras sa laban kung saan ay daan-daang milyong piso ang naging alok sa kanilang magkapatid.
“Hindi tayo magpapatinag kahit anong pananakot pa ang gawin nila sa atin,” ani Cong. Alfred.
“Ngayon ay nahaharap kami sa ganitong klase ng death threat na itinaon pa sa dulo ng kampanya. Nananawagan kami sa aming pamilya, mga kaibigan at supporters na samahan ninyo kaming maging vigilant sa lahat ng uri ng kasamaan, pananakot at pandaraya na ginagawa ng ating mga kalaban ngayong eleksiyon,” patuloy ng aktor-pulitiko.
Kitang-kita rin ang labis na pag-aalala ni Cong. Alfred para sa kapamilya kaya naman nakiusap din siya sa kanilang mga kadistrito na protektahan ang bunsong kapatid at bantayan ang boto ng bawat Novalenyo.
“Walang puwang sa District 5 ang mga nagsisiga-sigaang sindikato para makuha lang ang kanilang gusto. Habang papalapit na ang araw ng eleksiyon, samahan n’yo po kaming protektahan ang ating boto. Tumayo po tayo sa likod ni PM. Let us all stand together to protect PM and District 5,” pahayag ni Cong. Alfred.
Comments