ni Jasmin Joy Evangelista | October 9, 2021
Nakalaan sa pilot vaccination ng mga kabataan ang halos 50K doses mula sa 3 milyong bakuna na kararating lang ng bansa nitong nagdaang mga araw.
"Initially, we are allocating more or less 45,000 to 50,000 (doses) muna, initially for the pilot," ani Vaccine "czar" Carlito Galvez Jr.
Sisimulan ang pilot vaccination para sa mga edad 12 hanggang 17 anyos sa piling mga ospital sa Metro Manila.
Kabilang sa mga natanggap na bakuna ay ang aabot sa 2.1 milyong Moderna COVID-19 vaccines kung saan 1.3 milyon ay binili ng gobyerno habang 477,600 ang in-order ng pribadong sektor.
Nasa 661,100 doses naman ay galing sa AstraZeneca.
Samantala, inaasahan din ng mga eksperto na maaagapan ang malalang kaso ng COVID-19 para sa mga 12-anyos pataas dahil sa pag-apruba ng bagong gamot na Ronapreve - isang 'monoclonal antibody treatment' kontra COVID-19.
"Sa pag-aaral sa phase 2 and 3, safe siya ibigay sa ganitong edad 12 years and above, mataas din ang proteksiyon. Puwede siya sa mga matatanda," anang infectious disease expert na si Rontgene Solante.
Comments