ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 12, 2020
Winalis nina Grandmaster Rogelio Barcenilla Jr. at international Master Paulo Bersamina ang kani-kanyang mga karibal sa unang tatlong rounds at maayos namang nakasuporta sina GM Mark Paragua at GM John Paul Gomez upang itulak ang Pilipinas sa unahan ng pulutong ng ginaganap na iwas-COVID-19 na Asian Online Chess Cup.
Sa patuloy ng paglaganap ng chess sa internet na epektibong paraan sa pag-iwas sa Covid 19, naramdaman nina Nidal Ahmed (Palestine), Aram Khedr Adm Chekh (Syria) at FM Tinnakrit Arunnuntapanich (Thailand) ang bangis ni Barcenilla (rating: 2463) sa board 2 habang nakaldag ni Bersamina (rating: 2286) sa board 3 ang Palestinong si Khaleel Sharaf, Syrian IM Bashir Eiti at Thai Tupfah Khumnorkaew.
Nag-ambag din ng tigalawang panalo at isang tabla sina Paragua (rating: 2573) sa board 1 at Gomez (rating: 2470) sa board 4 upang tulungan ang Pilipinas (pang-apat sa pinakamalakas na koponan) na mabokya ang Palestine at Syria (4-0) at makaladkad ang Thailand (3-1) na naging sapat para sa paghawak ng trangko kasosyo ng tatlong iba pang bansa sa Asya.
Tatlong iba pang bansa ang hindi naman nagpapabaya at kasama rin sa lead pack ng Pilipinas dahil sa pare-pareho pang malinis ang kanilang mga rekord: 2nd seed Khazakstan, 3rd ranked Iran at no. 9 sa pre-tournament favorite na Mongolia.
Nakabuntot din ang World Online Chess Olympiad champion at topseed India, 5th ranked Bangladesh at 8th seed Indonesia na pare-parehong umiskor dalawang panalo at isang tabla.
Halagang $20,000 ang nag-aabang sa mga bansang mamamayagpag sa torneo. Mula sa 39-bansang kalahok sa men’s division, ang unang walong finishers ng elimination round ay sasabak sa knockout phase ng paligsahan. Dito na malalaman kung aling bansa ang maghahari.
Comments