ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 19, 2024
Nabudol tayo. Iyan ang nakapanlulumong nalalapit na katotohanang pinatutunguhan ng mga nagsisilabasang impormasyon ukol sa kung sino nga ba si Bamban Mayor Alice Leal Guo.
Ang tinutukang usapin ng lahat nang walang puknat, mapabata o mapamatanda, tulad ng isang teleseryeng kaabang-abang at hitik ng sorpresa sa bawat yugto ay patungo na sa ating matagal nang suspetsang nakapagluklok tayo ng isang mayor na ayon sa mga dokumentong nakalap ay hindi tunay na Pilipino at nagpapanggap lamang na Pilipino.
Sa pamamagitan ng kaluwagan sa ating late birth registration system sa bansa ay lumilinaw na nagawaran ng birth certificate si Guo bilang Pilipino na siyang naging daan para magkaroon siya ng mga karapatang dapat ay natatangi lamang sa mga ganap at tunay na Pinoy.
Lalo pang nakapagpapasilakbo ng ating galit ang balitang may higit pa sa isang libong Intsik na banyaga ang nabigyan din ng birth certificate sa ilalim ng late birth registration system na pawang nairehistro sa Davao del Sur.
Dapat at dapat mapanagot ang mga tila walang konsensiya at walang budhing sangkot na mga kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa krimeng itong ginawa sa ilalim ng mga ilong ng mga namamahala sa pamahalaan nang walang pangingilag at tila sanay na sanay sa kawalanghiyaan.
Alam na alam naman ng mga kawaning ito na mali ang kanilang ginagawa at malawakan ang epekto nito sa bansa ngunit pinili nilang magpakasama at maging traydor sa bayan. Kaya’t hindi na dapat patagalin pa ang pagpapagulong sa sistema ng hustisya upang mawala na sila sa posisyon at maparusahan sa kanilang pagtataksil sa kapakanan ng mamamayan.
Maraming buhay ang nasira, maraming pangarap ang nabuwag, maraming naisahan nating kababayan ang patuloy na nananangis sa gitna ng paghahari-harian ng mga nagpapanggap na mga Pilipinong ang pakay ay salaulain ang Pilipinas at tunay na mga Pilipino.
***
Sa gitna ng mga halang ang kaluluwang kawani ng ahensya, nakalulungkot naman na patuloy pa rin ang pagpila ng ordinaryong taumbayan sa mga opisina ng PSA. Oo nga’t may online application para sa mga kinakailangang dokumento mula sa ahensya, ngunit para sa mga authorized representative ay kailangan munang magpa-schedule online ng pagtungo sa kanilang tanggapan.
Ang masaklap, pagdating natin sa PSA sa Ayala Circuit Mall noong Martes ay kahit pala may itinakdang schedule na ala-1 para sa atin ay kinailangan din nating pumila. Una, para sa verification ng mga dokumento ng aplikasyon na inabot ng isang oras sa haba ng pila. Ang nakakalungkot pa, sa halip na bigyan ng numero ang magpapaberipikang tulad natin ay pinapila tayo na kinulang na ang upuan sa haba ng pila, at noong makarating naman tayo sa upuan ay ginawa tayong parang mga batang usad nang usad sa bawat silya na parang naglalaro ng trip to Jerusalem.
Nang malapit na tayong tawagin ng tagaberipika, isang anunsiyo ang umalingawngaw mula sa isang kawaning naka-mikropono. Doon natin nalamang sa araw na iyon ng Martes ay hindi natin magagawang makuha agad ang ating kinakailangang dokumento sapagkat “down” ang buong server ng PSA. Kaya’t kakailanganin nating bumalik pang muli sa ibang araw at maabala na naman. Isang oras din tayong pumila para sa pagbabayad.
Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi na sana ganito ang sapitin ng ating mga kababayan na kailangang pumila ng dalawa hanggang tatlong oras sa PSA kahit may appointment naman. Hindi na sana kinakailangan kaming gawing tila mga batang usog nang usog sa upuan samantalang puwede namang bigyan na lamang ng numerong maririnig naming tawagin bilang pagrespeto sa aming dignidad. Sa wikang Ingles, “We definitely deserve better than this, Mr. President.”
Tuldukan at tapusin na ang parusang pila at kawalan ng malasakit sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Hindi lamang sa PSA kundi halos lahat ng oficina ng national at local governments ay ganyan. Kahit may approved on-line appointment ka na, pagdating mo sa oficina sa petsa, araw at oras ng iyong approved appointment, papipilahin ka pa rin kasi meron daw may mga approved appointment din na naunang dumating. Sa SSS branches, puede ka lamang mag transact ayon sa huling numero ng iyong SSS ID. Kung ang huling numero ng SSS ID mo ay 1, Lunes ka lamang puedeng magtransact. Pero ang masakit, hindi naman ipinagbigay-alam ng SSS sa mga miyembro nito na meron silang ganoong patakaran. Isa pang malungkot, kung sa takdang araw ng iyong approved appointment ay biglang nag leave ang opisyal o kawani na nakak…