top of page
Search
BULGAR

Pila sa checkpoint, umaabot ng 2 oras... Random check na lang — PNP Chief Eleazar

ni Lolet Abania | August 8, 2021



Dalawang oras umano ang inabot ng ilang motorista bago sila pinadaan sa mga checkpoint habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang National Capital Region (NCR).


Ayon sa isang motorista, pumila siya sa checkpoint sa boundary ng Caloocan at San Jose del Monte, Bulacan, kung saan lumagpas pa umano ng dalawang oras bago siya tuluyang pinadaan ng mga pulis nitong Sabado nang gabi.


Salaysay naman ng isa pa, “Hassle kasi may pasyente nga kaming dinala sa ospital. Nauna ‘yung ambulansiya, naipit kami... Galing po ako ng Cavite,” kung saan aniya, wala nang bakante sa mga ospital sa Metro Manila, kaya napilitan silang dalhin ang pasyente sa nasabing lugar.


Sa España Blvd. sa Maynila, binubusisi sa checkpoint ang mga dokumento ng bawat daraan para tiyakin umano ng mga awtoridad kung sila ay authorized person outside residence (APOR).


“Kapag po sila working APOR, hinahanapan ng Certificate of Employment. ‘Yung kanilang mga ID, kailangang ipakita para mapatunayan na working APOR. Kapag consumer APOR, kailangan, may quarantine pass,” paliwanag ni Police Lt. Ronald Calixto, team leader sa checkpoint. Iniutos naman ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar na sakaling ang pila sa mga checkpoint ay humaba, maaaring magpatupad na lang ng random check.


Gayundin, iisa-isahin na lamang ng mga pulis ang mga sasakyan kapag maigsi na umano ang pila nito sa checkpoint.


Ayon kay Eleazar, karaniwan na aniyang paglabag sa ECQ ang hindi at maling pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing. Kasama na rin dito ang hindi pagsunod sa curfew hours. “Itong tatlo, ito ang minimum public health standards natin ang nakikita natin (violation) pero most of them wina-warning-an lang naman,” sabi ni Eleazar. Babala naman ng PNP chief na kanilang papanagutin ang sinumang non-APOR driver na mang-aabuso. Aalamin nila sa mga employer nito kung tunay ang ipinakita nilang mga dokumento.


Nagbigay na rin ng direktiba si Eleazar sa Criminal Investigation and Detection Group (DILG) habang patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa mga lokal na pamahalaan dahil sa posibleng pagdagsa naman ng mga nagpapabakuna kontra-COVID-19 sa mga vaccination sites.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page