ni Julie Bonifacio @Winner | Feb. 7, 2025
Photo: Sandara at Alden - IG
Kinilig ang mga fans ni Sandara Park sa ipinost niyang picture nila ni Alden Richards sa set ng programa niya sa isang TV network.
Caption ni Sandara sa kanyang post sa X (dating Twitter): “Thank you for visiting us on the set, Alden~!!! (smile and wave emoji). Nice meeting you (blue heart emoji).”
Binisita ni Alden si Sandara sa set na tila ikinabigla ng mga netizens since hindi naman sila friends or even nagkaroon ng project together.
Wish tuloy ng mga netizens na magsama sina Sandara at Alden sa isang proyekto.
“Ate, what if magkaroon kayo ng project? Hahaha! Parang kahit may work ako, pupunta ako sa premiere n’yo (heart emoji).”
“Baka need namin ng teleserye or movie.”
“Pambansang Krung-Krung at Pambansang Bae ng Pilipinas in one frame (orange emoji). Love it!”
Kung merong common factor ang dalawa, isa lang ang alam namin — pareho silang kaibigan ni Joross Gamboa.
Alam na this!
Nagpapagawa ng bahay, gustong kumita…
MARK, TANGGAP NA LAOS NA KAYA NAGSAYAW SA GAY BAR
LEFT and right ang publicity ni Mark Herras sa lahat ng platforms pagkatapos manahimik after a long time dahil sa kawalan ng career.
Malaki ang nagawang ingay kay Mark ng pagsasayaw niya sa isang gay bar. At ang maganda pa nito, positibo ang naging pagtanggap ng publiko sa ginawa niya dahil imbes na i-look down si Mark, mas marami ang humanga sa aktor.
Last Tuesday, klaro ang paglalahad ni Mark ng kanyang kuwento behind his pagsasayaw sa bar noong nag-guest siya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Pagbabalik-tanaw ni Kuya Boy sa maingay na career ni Mark noon, “Hindi ko malilimutan, nasa kabilang channel ako, I was with ABS-CBN, dumaan ako sa Timog during your time, nasa loob ka, I think in the building, ang daming tao sa labas. Gusto ka lang masilayan, superstar ka, Mark.
“There is a disconnected… dahil gay bar — and there’s nothing wrong about a gay bar, para ho sa ‘kin, ‘yan ay converging zone naming mga LGBT people, walang mali — pero hindi lang mai-connect 'yung kuwentong ‘yun, because here is a guy who used to be one of the hottest guys and then he’s performing in a gay bar.”
Very honest naman si Mark sa pagsasabi na tanggap niyang hindi habambuhay ay nasa limelight siya at ganu’n talaga ang buhay-artista.
Esplika ni Mark, “Nasa mindset ko, trabaho, trabaho. Kailangan kong magtrabaho. Bakit ko pa iisipin ‘yung iisipin sa ‘kin ng mga tao na baka wala nang career, desperado na ‘yang si Mark. Eh, ‘pag inisip ko ‘yun, paano ‘yung pamilya ko?”
Sa hiwalay na interbyu naman kay Mark ni Nelson Canlas ng 24-Oras, consistent ang aktor sa kanyang depensa kung bakit siya sumasayaw sa gay bar.
Aniya, “This is what I want. Hindi naman ako naghahangad ng career na sobrang sikat na sikat. Lagi naman akong vocal about it. Gusto kong makapag-provide sa family ko, sa mga anak ko. Lalo na ngayon, magiging dalawa sila. Trabaho.
“Any work na ibato sa ‘kin, iaalok na trabaho sa ‘kin, as long as alam ko na hindi naman ako lugi sa talent fee (TF), at the same time, wala akong tinatapakang tao, sabi nga nila, at legal, I’ll do it. Provider ako, eh. Tatay ako, eh.”
Kasalukuyang buntis ang misis ni Mark na si Nicole Donesa sa ikalawa nilang anak. Ang panganay nila na si Corky just celebrated his third birthday last month.
Sa socmed (social media) ni Mark Herras ay makikita na may bagong bahay na siya na ipinapagawa at malapit nang matapos. Napupuno na rin niya ng appliances ang kanilang bahay.
Comments