top of page
Search
BULGAR

Pig, naniniwalang maiksi ang buhay kaya dapat laging masaya at umibig

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | July 08, 2021



Sa nakaraang isyu, natapos nating talakayin ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong Year of the Metal Ox.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa huling animal sign sa Chinese Astrology, at ito ay ang Pig o Baboy, kung saan ang pangunahing ugali at ang kapalaran naman ng animal sign na ito ang ating tatalakayin.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019 at 2031, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign a Pig o Baboy.


Ang Baboy ay siya ring zodiac sign na Scorpio na nagtataglay ng planetang Mars.


Likas na magiging mapalad ang Pig o Baboy mula alas-9:00 hanggang sa alas-11:00 ng gabi, habang ang suwerte naman niyang direksiyon ay hilaga (north) at hilagang kanluran (north west).


Sinasabing higit na matakaw at agresibo ang mga Baboy na ipinanganak sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa kapatid niyang Baboy na isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.


“Nice guys finish last” ang angkop na kasabihang pinatutungkol sa Pig o Baboy dahil siya ang kahuli-hulihang animal sign na nakarating sa palasyo ni Lord Buddha nang minsang ipinatawag niya ang mga hayop.


Kaya naman kilala ang Baboy sa pagiging simple, mabait, matulungin at mapagmahal. Dagdag pa rito, sinasabi ring ang Baboy ay kilala sa pagigng “easy go lucky” o “pabandying-bandying lang” kung saan hindi masyadong seryoso sa buhay at ang palagi niyang hanap ay ang gala at saya. Dahil dito, minsan ay pinagbibintangan ang isang Baboy na sobrang immature o may pagkaisip-bata, ngunit sa totoo lang, hindi siya talaga ganu’n, bagkus, ang nais lang naman talaga niya ay maging masaya o magsaya sa maikling buhay natin sa mundo.


Kagigiliwan mong kasama ang Baboy dahil bukod sa pagiging masayahin, dama mo talaga sa kanya ang natural o hindi plastic na ugali at pagkatao.


Katulad ng kaibigan niyang Tupa at Kuneho, bukod sa saya, kinagigiliwan din ng Baboy ang mga bagay na nagbibigay ng sarap, harmony at malalim na ligaya. Kaya naman bihirang-bihira sa mga Baboy ang nagtatanim ng galit at sama ng loob sa kanyang kapwa, lalo na sa kanyang kaibigan. Dahil ang totoo nito, para sa kanya, tulad ng nasabi na, naniniwala siya na maikli lang ang buhay, kaya walang dapat gawin ang tao kundi ang umibig, magpakasarap at magsaya.


Gayundin, minsan ay napagbibintangan ang Baboy na hindi seryoso sa kanyang responsibilidad at pagkatao. Madalas kasi niyang pairalin sa mga sitwasyon na may mga suliranin ang barkada o pamilya ang prinsipyong ‘hayaan na lang lumipas ang problema upang hindi maistorbo ng mga alalahanin at pangamba’ kung saan, nagkakataong tama naman pala siya dahil wala namang problemang nananatili. Sa halip, ang lahat ng bagay ay talagang lumilipas at naglalayo sa takdang panahong ang tadhana ang nagpasya.


Itutuloy

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page