ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 31, 2024
Nakikini-kinita na nating walang ibang kahihinatnan ang tinatawag ngayong “People’s Initiative” (PI) kundi sa kangkungan.
Ngayon pa lamang, minabuti na ng Commission on Elections (Comelec) na suspendihin na muna ang pagtanggap ng mga signature sheets para sa PI, sa pagkilala ng komisyon na kailangan pang pag-aralan at plantsahin ang kasalukuyan nitong mga alituntunin patungkol dito.
Tutol naman ang Senado sa planong ietsapwera o lusawin ang kapangyarihan nito sa anumang balaking amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng sama-samang pagboto ng lahat ng miyembro ng Kongreso sa halip na magkahiwalay na pagboto ng Senado at Kamara de Representantes. Siyempre nga naman, sa rami ng miyembro ng Kamara, tataob ang boto ng buong Senado na mayroon lamang 24 na miyembro.
Sa privilege speech ni Senate President Juan Miguel Zubiri noong Lunes, ipinagdiinan niya na ang kasalukuyang PI ay “flawed” o may depekto, hindi ayon sa Konstitusyon at hindi tumutugon sa mga suliraning mahigpit na kinakaharap ng mga Pilipino.
Hay naku, nauulit na naman ang kasaysayan, naaalala ko noong unang salta ko sa Senado halos tatlong dekada na ang nakalipas, ang usapan din ay Charter change o Cha-cha na talaga namang nagdala ng divisiveness o masalimuot na pagkakawatak-watak.
Walang kadala-dala ang mga gustong mag-railroad nito ngayon na walang pakialam kahit ang mga pinapapirma ay hindi naman naiintindihan ang kanilang pinipirmahan.
Ang masaklap pa, ang akala ng mga nagsipirma ay para ito sa paparating na ayuda kaya’t nagmamadali pa sila.
Wika nga ng kasabihan, “Ang mga hindi pinag-aralan at hindi natuto sa kasaysayan ay mabubulid sa pag-ulit nito”.
Bakit ba naman kahit sa paglipas ng maraming taon at sa aral ng bawat pagkakataon, karamihan sa nakakatikim ng matinding kapangyarihan ay dinadapuan ng matinding pagnanasa na manatili sa kapangyarihang ito?
Sa kabilang dako, ayun at nagagamit ang isyu para pagkaisahin ang iba’t ibang sektor, habang sinasakyan naman ito ng mga personalidad na gustong bumida o nais ding tumakbo sa susunod na halalan para sila ay bumango kung may ibabango pa nga ba sila.
Kailan pa kaya magkakaroon ng mga lider ang bansa na talaga namang hindi makasarili at magsasama-sama at isasantabi ang personal nilang mga agenda para solusyunan ng pangmatagalan ang mga problema ng taumbayan?
Maawa naman tayo sa mga masang sawang-sawa na sa mga ganitong pakulo. Ang mga nasasayang na panahon ng gobyerno sa mga walang kapararakan at walang kabuluhan para sa taumbayan ay nakakapanlumo.
Ang mga buwis na ibinabayad ng mga mamamayan ay hindi dapat magamit sa iba maliban para sa ikabubuti ng buhay ng taumbayan ngayon pa lang at hindi sa pangakong kalaunan ay mapapako at magbabaon sa kanila sa krus ng lalong kahirapan.
Mahirap ba talagang maunawaan ang lalim ng puso at pangangailangan ng masang Pilipino o sadyang ayaw lamang itong pahalagahan ng mga nagpapanggap na nagmamahal sa bayan?
Asintaduhin n’yo naman ang tunay na kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments