top of page
Search
BULGAR

Physical at mental well-being, ‘wag balewalain

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | October 14, 2023


Mula noong nakaraang taon, 2022, nagsimula na tayong bumangon mula sa pandemya ng COVID-19.


Unti-unti, balik-normal na ang pamumuhay ng mga Pilipino. Marami nga sa atin, bihira na lang ang nagsusuot ng face masks. Unti-unti na ring nababalewala ang “social distancing” dahil nga wala nang gaanong ipinapatupad na mga restriksyon.


Kung titingnan natin, mabuti naman at balik sa dating takbo ang publiko. Sa mga empleyado, face-to-face na ulit. And’yan na naman ang santambak na workloads. ‘Di tulad dati, nasa bahay lang tayo, kasi nga, delikadong lumabas at takot na takot tayong lumarga dahil napakatindi talaga manghawa ng COVID. Ngayon, ika nga, back to normal programming tayo.


Pero, sa kabila ng positibong epekto nito sa ating pamumuhay at ekonomiya, marami ring bagay ang nagbalik sa normal na hindi nakakatulong sa iba.


Bumalik nga tayo sa nakagawian, balik din sa dati ang napakasikip na daloy ng trapiko na talaga namang nagpapasakit sa ulo ng publiko. Sa workplaces naman, dahil nga normal na ulit ang kalakaran, eto na naman ang stress sa nag-uumapaw na trabaho. Hindi mo naman puwedeng pabayaan dahil ‘yan ang kabuhayan mo.


Dahil nagawi na rin lang tayo sa usaping ‘stress’, pag-usapan natin ang tungkol sa physical at mental well-being. Ang mga bagay na ito ay hindi dapat isinasawalang-bahala ng health experts.


Sa pahayag ng World Health Organization (WHO), dumami ang bilang ng mga indibidwal na nalulong sa alak at droga noong pandemya.


Siguro, naging paraan nila ito para maaliw ang sarili? Posible. Marami rin ang nakaranas ng insomnia o problema sa pagtulog. Marami ang ganyang kaso na nauwi sa anxiety. Dahil nga naman sa panganib ng pandemic, hindi tayo mapakali. Lagi tayong takot. Naging paranoid tayo, sa totoo lang.


Batay din sa datos ng National Mental Health Program o NMHP, sa kasalukuyan, mahigit 1 milyong tao sa Pilipinas ang dumaranas ng depressive disorder; 521,000 ang may bipolar disorder habang 213,000 ang schizophrenic. Ayon sa NMHP, posibleng mas marami pa r’yan ang may suliranin sa pag-iisip dahil marami tayong mga kababayan na hindi pa nasusuri sa ganitong aspeto.


Aminado naman tayo na hindi madaling lutasin ang mga ganitong suliranin. Pero, may isa tayong itinutulak na proposisyon na makagagaan sa problemang ito. Nar’yan ang development ng mas marami pang parke o mga lugar na maaaring puntahan para makapag-unwind ang ating isipan, sports and recreational facilities at open spaces, lalo na rito sa mga kalunsuran. Bakit ito ang naisip ko? Kung titingnan natin ang pag-aaral ng mga eksperto, malaki ang naitutulong ng mga ganitong imprastraktura para maisulong ang social interaction o ang pakikihalubilo natin sa kapwa.


Nakatutulong din ito sa estado ng ating pag-iisip at magandang proyekto ito para sa ating mga komunidad.


Nitong nakaraang linggo, dininig natin sa pangunguna ng ating komite, ang Finance Committee, ang budget ng DPWH. Doon, ipinahayag natin ang ating proposisyon hinggil sa pagpapalawak sa kanilang proyekto.


‘Pag sinabi kasi nating DPWH, ang papasok agad sa isip natin ay mga imprastrakturang tulad ng kalsada, tulay, na kailangan naman talaga natin dahil sa ganyang gumagalaw ang kalakalan. Pero kung susumahin natin, makikita natin, halos lahat naman ng mga kalsada at tulay na ginagamit sa transportasyon ng basic goods and services, napatag na o naayos na.


Panahon na para naman paunlarin natin ang mga local community projects, tulad nga ng mga binanggit ko kanina na parke, recreational or multi-purpose facilities, etc. ‘Di naman kailangang sumakop tayo ng malaking lupa sa mga ganitong proyekto. Dapat, may diskarte tayo kahit maliit na espasyo lang ang gagamitin. Ang mahalaga, may espasyo tayo para makapaglibang.


May isang panukalang batas sa Senado, kung saan isa tayo sa co-author, ang Senate Bill 1290 o ang Walkable and Bikeable Communities Act. Lusot na sa Senado ‘yan, pipirmahan na lang ng Pangulo. Ang layunin nito ay para sa recreation o ito ngang libangan, hindi lang ng mga bata kundi ng adult public.


Sa totoo lang, sa buhay na maraming komplikasyon, kailangang may panahon tayo sa paglilibang. Malaki ang maitutulong nito para maibsan ang bigat ng mga problema at maliwanagan ang ating pag-iisip. Gawin nating regular na oras sa buhay natin ang paglilibang.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page