ni Fely Ng @Bulgarific | December 24, 2022
Hello, Bulgarians! Isang 69-anyos na retiradong factory worker mula sa Valenzuela City, na may panalong kombinasyong 05-42-40-03-25-35 ang nag-claim ng jackpot prize Php63,013,007.40 para sa Super Lotto 6/49 draw noong Nobyembre 27, 2022 sa PCSO Main Office, Shaw Blvd., Mandaluyong City.
Ibinunyag ng bagong milyunaryo na ang kanyang kombinasyon ng numero ay nagmula sa kanyang panaginip noong 1995, bago ang paglulunsad ng Lotto 6/42. Sa kabila ng masigasig na pagtaya sa mga laro sa lotto sa nakalipas na 27 taon, ang kanyang tanging panalo ay mula sa apat na digit at balik-taya.
“Sa totoo lang, itong mga numerong ito ay galing sa aking panaginip. Wala pang lotto noon, 1995 iyon. Noong nagkaroon ng lotto, inalagaan ko ang mga numbers, hindi ko naman akalain na ngayon ko makukuha ang jackpot. Pasalamat ako sa Diyos na tumama ang aking numero na ako’y may taya. Dahil sa loob naman ng isang linggo, minsan ay nalilibanan ako sa pagtaya. Minsan sa isang linggo ay 3 beses ako hindi nakakataya. Buti na lang po talaga kaloob ng Panginoon na tuparin ang matagal ko ng pangarap”, sabi ng bagong milyunaryo.
Isang ama ng tatlong anak, dati siyang kumikita ng P500, araw-araw bilang factory worker. Malaki ang pasasalamat niya sa pagkapanalo ng jackpot prize at hindi nag-alinlangan na mananalo siya balang araw. “Una ay nagpapasalamat ako sa Panginoon Diyos sa kaloob niyang biyaya. Iyong paghihirap ko ng mahabang taon ay sinuklian niya ng higit pa sa aking inaasahan. Maraming salamat din sa PCSO, sa tinagal tagal ng pagtangkilik ko sa inyong mga palaro ni minsan hindi ako nagduda. Kaya heto na ako, hawak hawak na ang aking matagal na hinihiling”, dagdag pa ng jackpot winner.
Naisip na rin ng nanalo kung paano niya gagastusin ang kanyang napanalunan. “Matanda na ako at napagtapos ko na ang aking mga anak, plano ko na lang na mag-enjoy sa buhay at magtayo ng negosyo. Dati akong factory worker, ngayon ako naman ang magiging factory owner,” pagmamalaki niyang saad.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comentarios