ni GA @Sports | September 5, 2023
Lalo pang lumala ang puwestuhan ng Philippine women’s volleyball team International Volleyball Confederation (FIVB) women's World rankings matapos masadsad sa ika-apat na sunod na pagkatalo kontra Iran nitong Linggo ng gabi sa pamamagitan ng 25-22, 22-25, 21-25, 26-24, 12-15 upang lumaban para lamang sa ika-13th place ng classification round ng 22nd Asian Seniors Women’s Volleyball Championships sa Chartchai Hall of The Mall sa Nakhon Ratchasima sa Thailand.
Nalasap ng bansa ang pagbaba lalo ng puwesto nito sa FIVB women's World rankings mula sa malaking pagtalon galing sa 63rd place patungong 72nd ay lalo pang sumadsad ito sa 76th place matapos mahirapang maiahon ng malaking grupo ng National University Lady Bulldogs na pinagbidahan ni Alyssa Solomon na tumapos ng 19 pts mula sa 16 atake, dalawang blocks at isang ace, habang sumegunda si Mhicaela Belen sa 14pts mula lahat sa atake at Vange Alinsug na tumapos ng 11pts galing sa 10 kills at isang ace.
Nanatiling bokya sa panalo ang Philippine-NU squad sa nagdaang apat na laro kasunod ng pagbagsak sa group classification nang ma-olats sa Pool D kontra sa Kazakhstan, China at Hong Kong sa ligang inorganisa ng Asian Volleyball Confederation (AVC) katulong ang Thailand Volleyball Association.
Matapos makuha ang unang panalo sa first set ay mas tumindi ang laro ng World no.67 upang masungkit ang set 2 at 3, subalit kinailangang lumaban ng 'Pinas-NU squad upang maitulak ang deciding set kasunod ng 6-1 run mula sa 20-23 iskor pabor sa Iran.Nanatiling dikitan ang laban pagdating ng fifth set, kung saan nagawang makalamang ng 'Pinas. Subalit hindi pa rin pumabor ang tadhana para sa bansa upang lumagpak sa 0-4 kartada sa kabuuan ng liga at lumaban para sa 13th place kontra Uzbekistan ngayong Martes ng 9 a.m.
Comments