ni Anthony E. Servinio @Sports | July 29, 2024
Isa-isang nagpaalam ang mga pambato ng Pilipinas sa Paris 2024 Women’s Artistic Gymnastics Linggo ng gabi sa Accor Arena. Magiting na hinarap nina Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo ang napakataas na kalidad na mga kalaro kabilang ang ilang mga dating kampeon at alamat.
Unang sumalang ang tatlong Pinay sa Vault kung saan lumabas na pinakamataas si Finnegan sa 13.733, sapat para sa ika-10 puwesto at hihintayin matapos ang iba pang kalahok. Limitado sa hanggang dalawang atleta ang bawat bansa sa finals kaya ang tanging pag-asa ni Finnegan na umangat sa unang walo ay mangyari ang tulad ng kaso ng Estados Unidos na kinuha ang unang tatlong puwesto kaya kailangang gawing reserba ang isa. Nagtala ng 13.600 si Ruivivar at 13.266 si Malabuyo.
Numero uno si Simone Biles ng Amerika na may 15.300 at determinado na mabawi ang ginto na huli niyang hinawakan noong Rio 2016. Sumunod ang Uneven Bars at bigo muli ang tatlo na makapasok. Pumuntos si Ruivivar ng 13.200 para ika-26, Finnegan na 12.566 para ika-37 at Malabuyo na 12.500 para ika-39. Lalong sumadsad sa Balance Beam ang koponan at hanggang ika-36 si Malabuyo na 12.233.
Nasa ika-40 si Ruivivar na 11.866 at ika-43 si Finnegan na 11.466. Sinikap nilang tapusin ang gabi ng positibo sa Floor Exercise subalit 13.100 lang ang nakayanan ni Malabuyo para maging ika-20. Ika-27 si Finnegan sa 12.733 at ika-36 si Ruivivar sa 12.433. Sa gitna ng mga kabiguan ay may nabuong maliit na pag-asa na mapabilang si Ruivivar at pati na rin si Malabuyo sa All-Around Finals.
Tumatakbong ika-28 at ika-29 ang dalawa at maaaring makasingit sa listahan na 24 matapos alisin ang mga atleta galing sa mga bansa na may higit sa dalawang kinatawan.
Titingnan kung makakalaro din ang mga Pinay sa Team finals kung sasapat ang kanilang ipinagsamang 152.696 puntos na medyo may kalayuan sa ika-pitong Netherlands na 159.096. Walo lang ang papasok at hindi pa tapos magtanghal ang ilan pang bansa.
Comments