ni Gerard Arce - @Sports | September 13, 2022

Tinapos ng grupo nina Jessica Margaret “Jema” Galanza, Michelle Gumabao at Diana Mae “Tots” Carlos ang kampanya ng Creamline Cool Smashers-Pilipinas sa 2nd ASEAN Grand Prix na walang nakuhang panalo na set matapos walisin ng Indonesia sa 24-26, 22-25, 23-25 sa Chatchai Hall sa Nakhon Ratchasima, Thailand Linggo ng hapon.
Dahil sa pagkabigo ay hindi makakatuntong sa podium finish sa unang pagkakataon matapos magkasunod na naibulsa ang bronze medal noong 2019 edisyon sa Nakhon Ratchasima at Santa Rosa, Laguna. Naunang nakatikim ng pagwalis ang CCS-Pilipinas kontra 13-time Southeast Asian Games champion Thailand opening day noong Biyernes sa iskor na 17-25, 22-25, 12-25 at back-to-back runner-up na Vietnam sa 12-25, 16-25, 16-25.
Gayunpaman, hindi uuwing bokya ang CCS-Pilipinas squad ng mapiling Best Libero si dating Far Eastern University Lady Tamaraws Kyla Atienza.
Pinilit na makipagsabayan ng back-to-back Premier Volleyball League (PVL) conference champions sa Indonesians sa unang set. Hawak ng Creamline ang match point sa 24-23 mula sa service ace ni Galanza ng kumunekta ang Indonesia ng tatlong sunod na puntos kabilang ang dalawang matinding depensa mula kina Megawati at Shintia Alliva para butatain ang atake nina Carlos at Gumabao para makauna sa 24-26.
Pareho rin ang naging takbo ng laro pagdating ng second set ng magkaalaman lamang sa huling yugto, kasunod ng 22-all mula sa iskor ni Jeanette Panaga, humambalos si middle blocker Shintia Alliva ng panlamang na palo na sinundan ng dalawang errors ng Creamline buhat kay Galanza at isang net touch.
Pagtuntong ng 3rd set ay nagtulong na sina Yoku Mediol at Nandita sa huling bahagi upang kunin ang 3-0 panalo sa kompetisyon para magtapos sa 1-2 kartada. Muling babalik sa bansa ang Creamline-Pilipinas upang paghandaan ang ikatlong komperensiya ng PVL na Reinforced simula Oktubre 1.
Comentarios