ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 04, 2021
Sisikapin ng PHL Team na gumawa ng ingay at gulatin ang mga higante sa pagsisimula ng 2021 FIBA 3X3 World Tour Montreal Masters sa Canada. Kahit dehado, patutunayan nina Mark Yee, Mark Jayven Tallo, Zachary Huang at Dennis Santos na bilog ang bola upang makapasok sa playoffs ng torneo sa Linggo.
Nabunot sa Grupo D, unang sasalang ang mga Pinoy kontra Antwerp ng Belgium simula 12:45 ng madaling araw ng Linggo, oras sa Pilipinas. Ang Antwerp ang pambansang koponan ng Belgium na nagtapos na 4th sa Tokyo 2020 Olympics noong Hulyo na sina Nick Celis, Rafael Bogaerts, Thierry Marien at Thibaut Vervoot.
Babalik ang Manila Chooks TM para sa kanilang pangalawang laro sa 6:50 ng umaga laban sa Edmonton ng punong abala Canada sa huling laban ng elimination round. Pangungunahan ang Edmonton ng beteranong shooter at numero unong Canadian na si Steve Sir at ang mga kakamping sina 6’8” Ross Bekering, 5’11” Alex Johnson at 6’3” Adika Peter-McNeilly.
Mabigat din ang mga nasa ibang grupo sa pangunguna ng Riga ng Latvia tampok ang mga Tokyo 2020 gold medalists Karlis Lasmanis at NaurisMiezi, ang kasalukuyang numero unong manlalaro ayon sa FIBA 3X3 Ranking. Maagang paborito rin ang Amsterdam ng Netherlands na kampeon sa Doha Masters noong Marso at Ub ng Serbia na kampeon sa Debrecen Masters noong nakaraang linggo lang.
Dumating ng maayos ang PHL Team noong Huwebes sa Montreal. Dumaan na sila sa pagsusuri at quarantine at naka-ensayo na magkakasama, isang bagay na hindi nila nagawa sa Pilipinas bunga ng paghihigpit ng pamahalaan.
Pagkatapos ng Montreal ay tutuloy ang FIBA 3X3 World Tour sa Prague, Czech Republic (Setyembre 18), Abu Dhabi, United Arab Emirates (Oktubre 29) at ang bagong dagdag na Mexico City, Mexico (Nobyembre 6). Aalamin pa kung makakalahok o bibigyan ng imbitasyon ang PHL team sa mga nasabing yugto lalo na ang huling dalawa.
Comments