ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 06, 2021
Masyadong bigatin ang mga karibal at natalo ng dalawang sunod ang Manila Chooks TM upang magpaalam ng maaga sa 2021 FIBA 3X3 World Tour Montreal Masters sa Quartier des Spectacles kahapon. Binuksan ang kampanya sa 11-21 talo sa #4 Antwerp ng Belgium at sinundan ng 16-21 na pagkabigo sa Edmonton ng Canada para sa huling puwesto sa quarterfinals.
Kontra sa Belgian, ang parehong koponan na pumang-apat sa katatapos na Tokyo 2020 Olympics, unang nakapuntos sa ilalim si Zachary Huang subalit sinagot ng walong sunod-sunod upang lumayo agad ang Antwerp, 8-1. Nabuhayan saglit ang PHL Team sa bisa ng magkasunod na dos ni Mark Jayven Tallo upang lumapit, 10-16, pero ibinuhos ni Nick Celis ang huling 5 puntos kasama ang free throw na tumuldok sa laro na may 3:14 sa orasan.
Halos buhatin mag-isa ni Tallo ang koponan laban sa Edmonton at tabla ang mainitang laban sa 16-16 papasok sa huling 3:49. Biglang kinapos ang mga Pinoy at bumuhos ng limang sunod-sunod ang Edmonton kasama ang buslo ni Alex Johnson na tumapos sa laro na may 2:53 nalalabi.
Namuno sa panalo si Adika Peter-McNeilly na may 7 puntos habang ang 6’8” higanteng si Ross Bekkering ay naghari sa ilalim sa 6 puntos. Namayani si Tallo sa 11 puntos subalit hinanap ang tulong ng mga kakampi at tig-2 puntos lang sina Yee at Dennis Santos.
Comments