top of page
Search
BULGAR

Phl Men's Booters palaban pa rin para sa World Cup  

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 7, 2024



Sports Photo


Laro ngayong Martes – Gelora Bung Karno, Jakarta

8:30 p.m. Pilipinas vs. Indonesia 


Nanatiling palaban ang Philippine Men’s Football National Team at Coach Tom Saintfiet papasok sa kanilang 2026 FIFA World Cup qualifier kontra sa host Indonesia ngayong araw sa Gelora Bung Karno Stadium sa Jakarta. Kahit wala nang pag-asa tumuloy sa susunod na yugto, gagawin ng pambansang koponan ang lahat na wakasan ang kampanya ng positibo.


Naglaho ang lahat ng pag-asa ng bansa sa huling laro, ang makabasag-puso na 3-2 talo sa Vietnam noong Huwebes sa Hanoi. Kailangan ng hindi bababa sa tagumpay, lumamang agad ang mga Pinoy sa goal ni Patrick Reichelt subalit nawalan ito ng bisa at naitakas ng Vietnamese ang tagumpay na kailangan rin nila upang manatiling buhay sa torneo. 


Sa kanilang ika-anim at huling laro, gagawin ng mga Pinoy Booters ang lahat upang makauwi ng magandang pasalubong para sa kanilang mga tagahanga. Matatandaan na ang nag-iisang puntos ng bansa ay galing sa 1-1 tabla sa mga Indones noong Nobyembre sa harap ng mahigit 10,000 sa Rizal Memorial Stadium. 


Samantala, nanatili sa defending champion Kaya FC Iloilo ang liderato ng 2024 Philippines Football League (PFL) sa huling laro ng ika-10 linggo ng liga noong Linggo ng gabi sa Rizal Memorial. Binugbog ng Kaya ang Mendiola FC 1991, 9-1, kahit wala ang kanilang mga pambansang manlalaro Jarvey Gayoso at Mark Swainston. 


Sa ibang mga laro, tinakasan ng United City FC ang Tuloy FC, 1-0, at nagtabla ang Maharlika Taguig FC at Loyola FC, 2-2. Sa Cebu, nanaig ang Dynamic Herb Cebu FC sa bisitang Davao Aguilas, 1-0, sa isang mainit at pisikal na laro. 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page