ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 6, 2022
Unang sasalang sa aksiyon ang Pilipinas sa simula ng 31st Southeast Asian Games Men’s Football Tournament sa Viet Tri Stadium sa Phu Tho sa Vietnam. Haharapin ng Azkals ang hamon ng Timor Leste, isang koponan na nagbigay ng maraming magagandang laban sa mga nakalipas na taon, simula 4:00 p.m.
Pangungunahan ang atake ng Azkals ng beteranong si Stephan Schrock na magbabalik para sa ikalawang sunod na SEAG. Kasama niya sina Jovin Bedic ng Kaya FC Iloilo at Enrique Linares bilang pinapayagang tatlong manlalaro na lampas sa itinakdang edad na 23.
Karamihan sa mga kasapi ng pambansang koponan ay naglalaro para sa Azkals Development Team sa Philippines Football League (PFL) sa gabay ni Coach Norman Fegidero. Mula sa ADT ay nariyan sina Oliver Bias, Scott Woods, Dennis Chung, Jayve Kallukaran, Jaime Rosquillo, Francis Tacardon, Martini Rey, Jermi Darapang, Lance Ocampo at mga goalkeeper Quincy Kammeraad at Enrico Mangaoang.
Kinuha mula sa iba pang koponan sa PFL sina Oskari Kekkonen at Sandro Reyes ng Kaya at Jacob Pena ng Stallion Laguna FC. Magbabalik din sa Azkals sina Yrick Gallantes, Christian Rontini at Miguel Mendoza matapos lumiban sa mga nakalipas na ilang torneo.
Sa huli nilang pagtatagpo sa 2022 AFF Under-23 Championships sa Cambodia noong Pebrero, nagtapos ang Azkals at East Timor sa 2-2 tabla. Asahan na magbabago ang timpla ng laro ngayon at nandiyan na sina Schrock, Linares at Bedic upang palakasin ang opensa.
Samantala, inilabas din ang opisyal na listahan ng Women’s Team na isa sa mga maagang paborito para sa gintong medalya. Kabilang dito ang mga beterana ng 2022 AFC Women’s Asian Cup India na sina kapitana Tahnai Annis, bise-kapitana Hali Long, Sarina Bolden, Quinley Quezada, Camille Rodriguez, Dominique Randle, Inna Palacios, Jessica Miclat, Olivia McDaniel, Eva Madarang, Sofia Harrison, Carleigh Frilles, Isabella Flanigan, Malea Cesar, Anicka Castaneda, Ryley Bugay at mga idinagdag na sina Alisha del Campo, Kaya Hawkinson, Jaclyn Sawicki at Chantelle Maniti.
Comments